News

2019 Annual Budget ng Sto. Tomas, aprub na!

By JOENALD MEDINA RAYOS

STO. TOMAS, Batangas — NAKATITIYAK na ang sambayanang Tomasino na magtutuluy-tuloy na ang pagpapatupad ng mga programang kailangang pondohan ng pamahalaang bayan at maging ang pinangangambahang pagkatali ng mga sahod ng mga kawani at benepisyo sa mga social services na ipinatutupad at ipapatupad pa ng munisipyo.

Ito’y matapos magpatibay ng Sangguniang Bayan sa regular na sesyon nito noong Lunes, Marso 18, ang 2019 Appropriation Ordinance na nagtatakda ng taunang laanggugulin ng munisipyo na may kabuuang Php 911,407,830.00.

TULUYAN nang ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Sto. Tomas, Batangas ang Draft Ordinance No. 2019-067 na nagtatakda ng Taunang Budget na nagkakahalaga ng P911,407,830. Lahat ng kagawad ay bumoto, pabor sa ordinansa.|JOENALD MEDINA RAYOS

Ngunit hindi naging madali ang pakapagpasa ng naturang budget na naging dahilan pa ng hindi magandang pasaringan ng administrasyon at oposisyon ng sinundang mga linggo.

Nabatid na sa idinaos na sesyon ng Sangguniang Bayan noong kabilang Lunes, Marso 4, nagbunga ng di magandang relasyon sa mga kagawad ng konseho ang umano’y biglaang pagmosyon ni Kagawad Florence Mabilangan na pagtibayin na ang nasabing annual budget, gayong may ilan pang departamento na hindi pa natatapos isalang sa budget deliberation ng konseho.

Paliwanag ni Kagawad Peter Tomas Perez, nag-excuse lamang siya sa sesyon para umihi at di niya aakalain na magmomosyon si Mabilangan gayong alam naman umano nito na may kinakailangan pang tapusing pagdinig.

Samantala, pagkatapos ng Flag Raising Ceremony noong Lunes, Marso 11, nagsalita pa sa mga kawani ng munisipyo si Mayor Edna P. Sanchez at nanawagang pagtibayin na ang annual budget.

“Bagama’t halos ay matatapos na ang unang tatlong buwan ng taon, nanalig ako na isasaalang-alang pa rin ng ating mga kagalang-galang na miyembro ng Sanggunian ang kapakanan ng mga Tomasino at mangingibabaw pa rin ang katwiran at isasantabi muna ang pulitika,” ang naging pahayag ni Mayor Sanchez.

Pahayag naman ni Reyes, hindi tamang sabihin na pulitika ang dahilan kung bakin hindi kaagad naipasa ang budget, sapagkat ilan pang sangay ng pamahalan ang kailangan pang matapos ang deliberasyon sa tatlong mahahalagang departamento — ang Municipal Waterworks, Municipal Engineering at General Services Office.

Isinagawa naman ang sunud-sunod na pagdinig noon ring nakalipas na linggo — Marso 11, 13 at 14.

Nitong nakaraang Lunes, itinakda ang sesyon, ayon sa palibot-mensahe, ng alas-onse ng umaga, ngunit natuloy lamang ito pasado ala-una na ng hapon.

Bago ang pagpapasa sa budget, nagkaroon pa ng ilang diskusyon kaugnay ng umano’y kulang-kulang na tala ng sinundang sesyon.

Gayundin, matapos magmosyon si Kagawad Reyes bilang taga-pangulo ng Committee on Ways and Means and Appropriations, nagmosyon din si ABC President Severino Medalla na gawing nominal voting ang pagboto ng mga kagawad ng konseho upang mabatid ng taumbayan kung bakit pabor o hindi ang magiging boto ng bawat isa.

BAGO tuluyang pinagtibay ang annual budget, nagmosyon si ABC President Severino Medalla na maging nominal voting ang gagawing pagboto upang mabatid ng publiko ang saloobin ng bawat isa sa kaniyang pagpabor o pagkontra sa pagpapasa ng appropriation ordinance.|JOENALD MEDINA RAYOS

Pahayag ni Mabilangan, hindi niya pinagsisisihan ang kaniyang pagmomosyon na pagtibayin na ang appropriation ordinance kahit hindi pa tapos ang pagdinig sa ilang departamento.

Ayon naman kay Reyes, maka-aasa ang sambayanang Tomasino na mapakikinabangan na nila ang annual budget ngayong napagtibay na ang ordinansa para rito.

Sinabi naman ni Medalla na pagkadelay ng pag-apruba sa budget ay hindi dahil sa usaping pampulitika kung dahil sa masinop na pag-iisa-isa ng konseho sa mga pinaglalaanan ng pondo upang di ito masayang at lubusang mapakinabangan ng mga mamamayang Tomasino.|#BALIKAS_News