Grupong magmamatyag sa Mt. Malarayat, binuo

Ika-18 ng Enero, 2010 | LUNGSOD NG LIPA- Matapos ang tatlong araw na pagsasanay sa 30 mamamayan mula sa mga barangay ng Sto. Niño, Malitlit, at Talisay ng lungsod na ito, apat sa kanila ang hinirang na kabilang sa Community Monitoring Team (CMT), isang grupong magmamatyag sa ilang bahagi ng Bundok ng Malarayat.

Ang binuong grupo ay kinabibilangan nina Elmar Mea at Ronnel Pesa ng Brgy. Sto. Niño, at sina Pedro Lattore at Democrito Obales ng Brgy. Talisay.

Layunin ng pagtatalaga ng CMT ay pangangalap ng datos sa Bundok Malayarat, gaya ng mga naninirahang ibon at halaman dito, sila rin ang magtatala ng mga aktibidad at mga pagbabagong magaganap sa lugar, at sila rin ang makakatulong sa mga gawaing pagtatanim sa Bundok Malarayat at pag-aalaga ng punlaan.

Tataglayin ng mga CMT ang field diary kung saan dito nila itatala ang kanilang mga obserbasyon tuwing sila’y magtutungo sa mga lugar na itinalaga sa kanila sa Bundok ng Malarayat tuwing ikatlong buwan. Ang mga datos na makakalap ay isusumite Lipa Headwater Councils (LHWC), lupon na namamahala sa pangangalaga ng tubig-tinggalan (watershed) ng Bundok Malarayat na nasasakupan ng Lungsod ng Lipa.

Bago maging ganap na CMT, sila ay sumailalim sa pagsasanay sa Biodiversity Monitoring System (BMS), isang sistema ng pagkalap ng mga datos upang mamatyagan ang mga pagbabago sa mga likas na yaman ng nasabing bundok. Isinagawa ito nitong ika-11 hanggang ika-13 ng Disyembre, 2009, sa paggabay ni Michael Edrial ng Haribon Foundation.

Sa naturang pagsasanay, naglagay sila ng mga tanda sa dalawang kilometrong paakyat mula sa tangke ng tubig ng Brgy. Sto. Niño patungong Palamigan pababa ng bundok Malarayat upang gawing transect site. Ito ang mga bahaging maaring balik-balikan ng mga CMT upang pagbatayan ang mga pagbabago sa nasabing lugar tuwing ikatlong buwan. Ganito rin ang ginawa sa Brgy. Talisay upang magkaroon din ng transect site sa nabanggit na barangay.

Ayon kay Edrial, sa pamamagitan ng BMS ay mamo-monitor ang mga pagbabago sa likas-yaman ng Malarayat gaya ng halaman, mga hayop, at maging mga gawain sa kabundukan. Ang resulta sa BMS, aniya, ay maaaring maging batayan sa pamamahala ng mga kinauukulan katulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at LHWC.

Itinuturing na isang Forest Reserve ang Bundok ng Malarayat, ayon sa Proclamation 842, ang bahagi ng bulubundukin ng Malarayat ay dapat protektahan dahil ito ay tubig-tinggalan na siyang tanging pinagmumulan ng tubig ng Lipa, Balete, Malvar, lungsod ng Tanauan, San Jose at bahagi ng Makiling-Banahaw watershed. Dito rin matatagpuan ang pinakamalaking deposito ng tubig na pinagkukunan ng tinatayang may 50 libong pamilyang Lipeño at mga karatig bayan at lungsod.
Ulat mula sa Pusod Inc.
..................................................................................................................................................