News

Plebisito para sa Sto. Tomas Cityhood, sa Setyembre 7 na

STO. TOMAS, Batangas – HALOS doblehin na ang oras ng pangangampanya ng pamahalaang bayan ng Sto. Tomas para ligawan ang may 92,000 botante nito at para bumoto ng pagpabor sa isasagawang plebisito para maratipikahan o kumpirmahin ang pagiging lungsod nito na itinakda sa Setyembre 7, Sabado.

Sa isinagawang pulong-balitaan sa Bahay-Pamahalaang Bayan dito noong Biyernes, Agosto 16, nanawagan ang mga lokal na lider dito, sa pamumuno ni Mayor Edna P. Sanchez, sa kaniyang mga kababayan na suportahan ang kumbersyon sa pagiging lungsod ng kanilang bayan.

Dahil sa tuluyan na ngang naging batas ang kumbersyon ng Sto. Tomas para maging isang lunsod, mangangahulugan ito ng mas marami pang serbisyong sa edukasyon, kalusugan at iba pang pangunahing serbisyo para sa mga Tomasino sapagkat ang real property tax ng Sto. Tomas ay hindi na ireremit sa pamahalaang panlalawigan.

Sa isasagawang plebisito, sinabi ni Sto. Tomas Municipal Election Officer Jun Aguila na pipili lamang ang mga botante, ng isasagot na “YES” o “NO” sa katanungang “Pumapayag ka ga nag awing lungsod ang Munisipalidad ng Sto. Tomas sa Lalawigan ng Batangas alinsunod sa Batas Republika bilang 11086 na kilala rin bilang “Charter of the City of Sto. Tomas”?

Upang maging ganap ang pagiging lunsod, kailangang makuha ang boto ng mayoriya na sumasang-ayon sa naturang batas. Magsisimula ang pagboto sa ika-7:00 ng umaga at tatagal hanggang ika-3:00 ng hapon at isusunod kaagad ang pagbilang sa naturang mga boto. Kwalipikado namang bumoto ang lahat ng botanteng rehistrado o kwalipikadong bumoto sa nakalipas na May 13, 2019 National and Local Elections.

Pahayag ni Vice Mayor Armenius Silva, may sapat na budget ang pamahalaang bayan para gastusin sa naturang plebisito na sadyang itinalaga na ng munisipyo bago pa man napagtibay ang charter ng cityhood.

Tiniyak din nina Sanchez at Silva na maipatutupad na ng Sto. Tomas ang mas maraming pagawaing pang imprastraktura kapag nagging isang ganap ng lungsod ito sapagkat nasa mahigit P107-milyong pondo na dating inireremit ng munisipyo sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang magiging solong budget na ng Sto. Tomas.

May kabuuang P911-milyong budget ang Sto. Tomas ngayong 2019 at inaasahang papalos a mahigit pang P1-bilyon ang magiging Annual Budget nito sa taong 2020 kapag ganap ng isang lungsod ang Sto. Tomas.

Kapag nanalo ang “yes”, ang Sto. Tomas ang magiging pang-146 na lungsod sa bansa at pang-apat na component city ng Lalawigan ng Batangas.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Republic Act No. 11086 o ang Act Converting the Municipality of Sto. Tomas in the Province of Batangas into a Component City to be known as the City of Sto. Tomas noong Oktubre 5, 2018 at inilathala ng Official Gazette noong Oktubre 13. Ang nasabing batas ay nakapasa sa Senado at sa Mababang Kapulungan noong Hulyo 23, 2018. Ito rin ang kauna-unahang cityhood charter na nilagdaan ni Pangulong Duterte.

Alinsunod sa itinatakda ng batas, dapat isinagawa ng Comelec ang plebisito noong Enero 3, 2019, ngunit bago pa man malagdaan ang nasabing charter, nagpalabas kaagad ang COMELEC En Banc ng isang resoluyon noong Setyembre 26, 2018 na naghahayag na sakali mang lagdaan ng pangulo ang charter, hindi magsasagawa ng plebisito ang Comelec agad-agad noong Enero, sa halip ay gawin ito sa loob ng 120 araw makalipas ang May 13, 2019 National and Local Elections. Idinahilan ng komisyon na abala umano ang Comelec sa paghahanda sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at May 13 Elections gayong ayon sa Comelec-Sto. Tomas ay hindi naman sila apektado ng ratipikasyon ng BOL at kayang-kayang isagawa ang plebisito ayon sa itinakda ng cityhood charter.

Samantala, kapag tuluyan ng naging lunsod ang Sto. Tomas, madaragdagan ng dalawa (2) ang mga kagawad ng magiging Sangguniang Panlunsod.

Sa panayam ng BALIKAS News kay Vice Mayor Silva noong Oktubre 2018, ang mga ito ay hihirangin mula sa mga makakakuha ng ika-9 at ika-10 may mataas na boto sa nagdaang May 13, 2019 Local Elections. Sa panayam nitong Biyernes, sinabi naman ni Mayor Sanchez na mayroon na silang napupusuang italagang ika-9 at ika-10 kagawad ng konseho na ihahayag sa publiko kapag natapos na ang plebisito.|.|#BALIKAS_News