IBAAN, Batangas – NADAKIP na rin ng mga tauhan ng Ibaan Municipal Police Station, Lunes ng gabi, ang isa sa mga nakapugang preso mula sa Batangas Provincial Rehabilitation and Detention Facility sa Barangay Malainin, sakop ng bayang ito.
Batay sa ulat kay PCol Geovanny Emerick A. Sibalo, acting Provincial Director ng Batangas, nakatanggap umano ng impormasyon ang kwerpo ng pulisya sa Ibaan kaugnay ng presensya ng isang hinihinalang nakapugang preso.
Dahil dito’y kaagad na nagtungo sa Barangay Salaban I ang grupo ni PSMS Frederick Caraan, sa direktang superbisyon ni PMaj John Leo Pornea Cuasay Jr., OIC ng Ibaan police, at doon ay karaka’y nadakip ang puganteng nakilala sa pangalang Loreto Linatoc Jr.
Mula pa nang maiulat ang pagpuga ng mga preso sa naturang pasilidad, kaagad na naglunsad ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng pulis-Ibaan, na nagresulta sa pagkakadakip sa unang tatlong pugante.
Unang napaulat na walo (8) persons deprived with liberty (PDLs) ang nakatakas mula sa naturang pasilidad. Ngunit nang muling isagawa ang headcount ay nakumpirmang umabot sa 10 ang mga nakapuga pasado alas 9:30 ng umaga kahapon, Hulyo 28.
Lima sa mga ito ang pumara at sumakay sa isang pampasaherong bus sa kahabaan ng STAR Tollway, ngunit nadakip din kaagad ng mga tauhan ng Sto. Tomas City PNP sa may boundary ng Lungsod ng Tanauan at Lungsod ng Sto. Tomas, pasado ala-1:40 ng hapon.
Hanggang sa sandaling sinusulat ang balitang ito, patuloy pa rin ang hot pursuit operation ng kapulisan para sa ikadarakip ng ika-10 pugante na nakilalang isang Gerald Herrera.|