By VINCENT OCTAVIO
IBAAN, Batangas – MATAPOS ang mahigit 25 taon ay muling nagkaroon ng 10 bagong silid- aralan ang Lucsuin Elementary School sa Brgy. Lucsuin, bayang ito na pinursige ni Congresswoman Lianda Bolilia ng Ika-4 na Distrito ng Batangas na maipatayo katuwang ang pamahalaang bayan ng Ibaan sa ilalim ng liderato ni Mayor Danny Toreja, gayon din ang mga magulang at mga guro na silang nagsulong sa proyekto.
Kakaiba sa karaniwang silid-aralan, ang mga bagong silid aralan na ginawa ng Mak-Jay Construction ay may curved chalk board flat screen television na makatutulong sa mga mag-aaral at sa guro upang mabilis na maunawaan ng mga estudyante ang itinuturo ng kanilang mga guro.
Ayon kay Congresswoman Bolilia, nagkakahalaga ng P20-milyon ang ipinagpagawa ng nasabing silid-aralan na mula sa pondo ng pamahalaang nasyunal na sinuportahan ng pamahalaang bayan ng Ibaan.
Lubos naman ang pasasalamat ng lahat ng guro sa nasabing paaralan dahil sa tagal ng panahon na kanilang ipininag-intay ay ngayon lang nagkaroon ng katuparan ang matagal na nilang pangarap.
Laking katuwaan din ang naramdaman ng mga mag-aaral ng Lucsuin Elementary School sa kanilang bagong silid-aralan.
“Nagpapasalamat po ako sa ating mga teachers, kay Congreswoman Bolilia at kay Mayor Toreja dahil maganda na po ang aming room. Madali na po kaming matututo sa aming mga pinag-aaralan dahil may tv at maluwag na po ang aming room. Salamat po sa lahat ng tumulong,” pahayag ng isang estudyante.
Lubos din naman ang pasasalamat ni Congresswoman Lianda Bolilia sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng barangay Lucsuhin at sa mga nakatuwang sa proyekto.
“Wala kayong dapat ipagpasalamat, at wala dapat kayong tanawing utang na loob sa akin, kung tayoy nakakatulong at nakakagawa ng ganitong mga bagay, ito’y aking nagagawa dahil sa aking tungkulin. Sa lahat ng ating ginagawa, wala tayong hinihinging kompromiso kahit kanino man, dahil noong kampanya ay akoy nangako na tutulong sa lahat,” pahayag ng kongresista.
Aniya pa, “umiikot tayo sa baramgay hindi dahil sa pulitika, dahil kung sa pulitika lang ay sa panahon lang ng kampanyaan lang ako iikot. Pero simula noong akoy maupo akoy umikot na sa lahat ng barangay gaya dito sa ibaan, at walang barangay ang makakapagsabi na hindi ko sila napuntahan. Itong ating bagong silid-aralan ay nagawa dahil sa pagtutulong-tulong ng ating mga kasama. Kung hindi natin katulong ang lokal na pamahalaan, mga guro at mga magulang, hindi natin magagawa ang proyektong ito,” dagdag pa ni Congresswoman Bolilia.|#BALIKAS_News