By JOENALD MEDINA RAYOS
LUNSOD NG TANAUAN, Batangas – “ANG araw na ito ay sumisimbolo sa matibay na pag-asa na palayain ang bansa sa baluktot na ideolohiya.Sa pamamagitan ng hakbang na ito, hangad ko na matapos ang inyong pagsasanay para sa ikauunlad hindi lamang ng bansa lalo’t higit ng sarili at patuloy na himukin pa ang inyong ibang mga kasamahan para sa pagtahak sa tamang landas.”
Ito mensahe ni AFP Chief of Staff Carlito Valdez na inihatid ni Col. Danilo Famonag, sa seremonya ng pagsuko ng 13 rebel returnees sa lunsod na ito, Agosto 14.
Isinagawa ang oath-taking at ceremonial turn-over ng 13 rebel returnees sa Office of the Presidential Adviser for Southern Tagalog (OPAST) sa lungsod na ito sa pangunguna nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Department of Interior and Local Government Acting Secretary Eduardo Ano, Presidential Adviser for Southern Tagalog Jose Maria Nicomedes Hernandez at DSWD Assistant Secretary Jose Antonio Hernandez.
Pahayag naman ni Acting Secretary Año na napakaraming buhay na ang nasira dahil sa panlilinlang ng mga komunista kaya’t sa pamamagitan ng National Task Force To End Insurgency at Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ay malaki ang maitutulong sa mga rebel returnees na muling nagbabalik-loob sa pamahalaan.
Upang makapagsimulang-muli ng maayos at normal na buhay, ipinagkaloob sa bawat isang returnee ang tsekeng nagkakahalaga ng kabuuang P65,000.00 financial assistance. Upang mai-encash ito, ipinagkaloob naman ng pamahalaang panlalawigan ang Health Card na ipinamahagi ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Pahayag ni Atty. Genaro Cabral, hepe ng Provincial Peace and Order and Security Services Department (PPOSSD) at kumatawan kay Gobernador Hermilando I. Mandanas, walang mga identification cards ang mga returnee kaya maaari nilang magamit ang mga ansabing health cards bilang proof of identification sa pag-encash ng kanilang mga tseke. Maaari rin nilang gamitin ito sa pagpapacheck-up o pagpapa-ospital sa kahit alin sa 12 district and primary hospitals ng probinsya.
Binigyang-diin naman ni PAST Undersecretary Hernandez na ang pagsusuko ng armas ng mga rebel returnees at pagtanggap sa kanila ng pamahalaan ay isang mahalagang hakbang upang maipadama sa mga nagbabalik-loob ang kahalagahan ng kanilang pagsuko at muling pakikiisa sa sambayang Pilipino.
Samantala, bukod sa mga opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) at Philippine National Police, sumaksi rin sa mahalagang programang ito sina 3rd District Board Member Alfredo C. Corona, Tanauan City mayor Jhoanna C. Vilamor, Sangguniang Panlunsod members sa pangunguna ni Vice Mayor Benedicto Corona, at mga kinatawan ng mga national government agencies|#BALIKAS_News