By MARIA TERESA SILVA-BUÑO
LUNSOD NG TANAUAN, Batangas – MULI na namang pinatunayan ng mga bumubuo ng Lupong Tagapamayapa ng Barangay Darasa ng lunsod na ito ang kanilang dedikasyon at husay sa pagsusulong ng “katarungang pambarangay” makaraan nitong masungkit ang ikalawang puwesto sa katatapos na “Lupong Tagapamayapa Incentive Awards (LTIA) 2018” sa CALABARZON Region.
Sa kategoryang Component City, nakakuha ng markang 92.59% sa pangkalahatang pamantayan ng LTIA ang pambato ng Tanauan City na kumatawan sa probinsiya ng Batangas matapos tanghaling pinakamahusay na lupong tagapamayapa sa lalawigan noong Mayo.
Kabilang sa mga sinuri ang kahusayan ng operasyon ng lupon, epektibong pagsasaayos nito ng mga idinudulog na sigalot o alitan sa kanilang tanggapan, pagiging malikhain at mapamaraan, pagkakaroon ng pasilidad, at pagkakaroon ng pinansyal o di-pinansyal na suporta.
Taun-taon ng nag-uuwi ng karangalan ang Barangay Darasa makaraang pumangalawa din sa Regional Level noong 2015; second best sa Provincial Level noong 2016; at first placer sa Provincial Level noong 2017.
Kaugnay nito, sa isinagawang regular flag raising ceremonies noong Hunyo 18, 2018, pinapurihan at kinilala ng Sangguniang Panlunsod sa pamamagitan ng SP Resolution No. 2018-156 na isinulong ni Kagawad Rizaldrin Epimaco Magpantay ang mga miyembro ng Lupong Tagapamayapa ng Barangay Darasa na pinangunahan ni Punumbarangay Wilfredo Ablao.
Ang Lupong Tagapamayapa Incentive Awards (LTIA) ay isang joint program ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ) na naglalayong palakasin ang katarungang pambarangay nang sa gayon ay agarang maresolba at hindi na maiakyat pa sa mga hukuman ang mga sigalot sa kanilang mga nasasakupan.|#BALIKAS_News