BATANGAS City — GINAWARAN ng pagkilala ng Sangguniang Panlungsod ang City Health Office (CHO) na humakot ng awards sa Gawad Parangal 2024 ng Provincial Health Office kamakailan.
Nakasaad sa resolution of commendation na iniakda ni Councilor Nestor Boy Dimacuha ang pagkilala sa husay at dedikasyon sa pagganap ng tungkulin ng mga kawani ng CHO matapos makakuha ng 18 karangalan sa naturang okasyon.
Maituturing aniya itong isang milestone achievement ng isang Local Government Unit sapagkat lahat ng 30 na munisipalidad at 4 na lungsod sa buong lalawigan ang nominado sa bawat health category.
Ayon pa sa resolusyon hindi rin matatawaran ang ipinakitang liderato ni City Health Officer Dra. Rosanna Barrion at nagpapatunay ito na seryoso ang pamahalaang lungsod sa lahat ng usaping may kinalaman sa kalusugan.
Lubos naman ang pasasalamat ni Dra. Barrion sa mga miyembro ng konseho kung saan ibinahagi niya ang parangal sa kaniyang mga kasama sa CHO at maging sa mga health workers sa bawat barangay na tinawag niyang mga tunay na bayani ng lungsod.
Pinasalamatan din niya si Mayor Beverley Dimacuha at Congressman Marvey Marino sa suhestyon at paggabay ng mga ito at binigyang diin na hindi magiging matagumpay ang mga proyekto ng CHO kung wala ang malaking suporta ng mga ito.| (PIO Batangas City)