LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas – PORMAL na pinasinayaan sa lungsod na ito ang kauna-unahang borehole broadband seismic station sa buong bansa noong Pebrero 19, 2019 na matatagpuan sa Demo Farm, Brgy. Bilog- bilog.
Ang ribbon cutting ceremony na bahagi ng programa ay pinangunahan ng mga kinatawan ng Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS), na sina Undersecretary for Disaster Risk Reduction and Climate Change (DRR & CC), Renato U. Solidum, Jr., at OIC Ma. Antonia V. Bornas, Chief Science Research Specialist ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division kasama ang mga opisyal ng lungsod at kinatawan ng pamahalaang panlalawigan na sina Mayor Atty. Jhoanna Corona-Villamor, Board Member Alfredo C. Corona ng Committee on Disaster Preparedness, Regional Director Olive Luces at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Joselito Castro.
Ayon kay Bornas, ang proyekto ay isinakatuparan ng DOST-PHIVOLCSsa ilalim ng National Volcano Monitoring and Warning Program. Aniya pa, ito ang pang-13 seismic observation station sa lalawigan ng Batangas na nakatuon sa pagbabantay ng Bulkang Taal na tinawag nilang Volcano Taal Tanauan Observation Station (VTTA).
“Ang himpilang ito ang pinakabagong bahagi ng Taal Volcano Network na pangangasiwaan ng Taal Volcano Observatory, na nakatalaga sa bayan ng Talisay”, paha-yag ni Bornas.
Ang tanggapan ay binu-buo ng isang seismic shelter na mangangalaga sa isang state-of-the-art borehole seismometer o instrumento na nagtatala ng hindi lamang basta lindol, kundi may kakayahang tumiktik nang may pinakamataas na kalidad ng lahat ng uri ng lindol hindi lamang sa paligid ng Taal Volcano kundi maging sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Kasama nito ang isa ring digitizer na nagsasalin ng mga electrical signals mula sa seismometer sa seismic record.
Taus-puso namang ipi-nahayag ni Usec. Solidum, Jr. ang kanyang pasasalamat sa lokal na pamahalaan ng Tanauan sa suporta at pakiki-pagtulungan nito na mas paigtingin ang paghahanda para sa kaligtasan ng mga maaaring maapektuhang komunidad sakaling magkaroon ng pagsabog ang Bulkang Taal.
Sa mensahe ni Bokal Corona, sinabi nito na malaking bagay ang pagkakalagay ng borehole broadband seismic station sa lungsod sapagkat ito ang magsisilbing bantay sa napakaliit ngunit napakabagsik na aktibong Bulkang Taal.
Ipinabatid naman ni Mayor Villamor ang patuloy na pagsuporta at kooperasyon ng pamahalaang lungsod sa mga programa at proyekto ng PHIVOLCS upang maging handa sa sakuna na maaring idulot ng bulkan.
Sambit pa niya, “Isang karangalan na dito sa Tanauan itinayo ang kauna-unahang borehole broadband seismic station sa Pilipinas. Ito ay mahalaga dahil hindi lamang dito sa ating area kundi pati na rin sa buong bansa ang mamomonitor nito. Ang mga activities ng buong Pilipinas at maging sa labas ng bansa ay mamomonitor nito.”| Kaira Marize Katipunan