LUNSOD NG TANAUAN, Batangas — ISANG bagong team sports ang inilunsad sa lunsod ng Tanauan makaraang umarangkada ang kauna-unahang Tee Ball Tournament sa buong Pilipinas na ginanap sa Sports Academy, Brgy. Trapiche., Pebrero 17.
Ang Tee Ball ay isang team sport na nagsisilbing pasimula at pagsasanay para sa mga batang may edad na 5-7 taong gulang sa larong baseball at softball. Kumpara sa mga equipment ng baseball at softball, gumagamit ng mas magaan na bat at mas malambot na bola ang tee ball.
Bilang bahagi pa rin ng kampanya upang iiwas ang mga kabataan sa masasamang bisyo partikular sa droga, , sa pakikipagtulungan sa Sports Development Office, pinangunahan ni Pununlunsod Antonio C. Halili ang pagsisimula ng 1st Mayor’s Cup Inter-Elementary Tee-ball Tournament na nilahukan ng 22 paaralan. Dumalo rin sa naturang torneo si Vice Mayor Atty. Jhoanna C. Corona-Villamor kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlunsod.
Sa mensahe ni Sports Development Commissioner Tato Dimayuga, inihayag niya ang layunin ng lunsod na makilala bilang “Baseball Capital of the Philippines”. Aniya, “dahil sa paglulunsad ng 1st Tee Ball Tournament sa Tanauan, masasabi natin na ang Baseball Capital ng Pilipinas ay ang Tanauan.”
Nakatakdang matapos ang naturang torneo sa darating na Marso 3, 2018.|LACV / #BALIKAS_News