LAUREL, Batangas – NAGLULUKSA ngayon ang kapulisan sa Lalawigan ng Batangas matapos dalawa na namang mga kabaro nila ang nag-alay ng sariling buhay sa pagtupad sa tungkulin sa isang madugong engkwentro sa Barangay Benirayan sa bayang ito, Huwebes ng hapon.
Kinilala ni Police Senior Superintendent Alden Delvo, officer-in-charge ng Batangas Provincial Police Office (BPPO) ang mga nasawing pulis na sina Police Senior Inspector Alvin Kison, nakatalaga sa Provincial Intelligence Branch (PIB) ng BPPO, at Senior Police Officer 2 Edilberto Eje, nakatalaga sa Laurel Municipal Police Station.
Batay sa impormasyong nakalap ng BALIKAS News, nakatanggap umano ng isang intelligence report ang grupo ni Kison ukol sa umano’y presensya ng itinuturing na crime group sa lugar, dahilan upang kaagad na magkasa ng casing and surveillance operation sa lugar.
Di nagtagal at natunugan ng mga suspek ang operasyong ikinasa ng grupo ni Kison at nagkahabulan pa ang magkabilang grupo at kaagad pinaulanan ng putok ang mga alagad ng batas. Gumanti ang mga pulis at napuruhan ang dalawang suspek.
Kinilala ni Police Senior Inspector Ryan Olave, nakatalagang hepe ng Laurel MPS ang mga nasawing suspek na sina Erwin B. Ariola at Darren Suarez, mga hinihinalang kasapi ng isang robbery holdup group na kumikilos sa rehiyon.
Naisugod naman sa St. Frances Cabrini Hospital sa bayan ng Sto. Tomas sina Kison at Eje ngunit binawian rin ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Hanggang sa sandaling sinusulat ang balitang ito, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente samantalang patuloy rin ang pagtugis sa iba pang mga kasamahan ng mga suspek sa kanilang iligal na operasyon.|#BALIKAS_News