In Photo: Tinanggap ni Acting City Mayor Benedicto C. Corona, bilang kinatawan ni City Mayor Jhoanna Corona-Villamor, ang Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa isinagawang Awarding Ceremony noong Miyerkules, Nobyembre 7, 2018 sa Manila Hotel. Kabilang sa naggawad ng parangal sina (L-R) DILG Batangas Provincial Director Adelma D. Mauleon, CESO V, DILG IV-A CaLaBaRZon Assistant Director Elias F. Fernandez Jr., CSEE at Regional Director Manuel Q, Gotis, DILG Secretary Eduardo M. Año, Keynote Speakers Representative Jose Enrique “Joet” Garcia III, 2nd District Bataan at Senator Juan Edgardo M. Angara. Makikita rin sa larawan ang bumubuo ng delegasyon ng Tanauan City na sina City Planning and Development Officer Aissa M. Leyesa, Ms. Jacqueline Landicho, OIC-HRMDO, at City Local Government Operations Officer (CLGOO) Quennie Malleon.| JUN MOJARES
By LOUISE ANN. C. VILLAJUAN
LUNGSOD NG TANAUAN, Batangas – SA kauna-unahang pagkakataon, matagumpay na nasungkit ng pamahalaang lungsod sa taong ito ang prestihiyosong Seal of Good Local Governance (SGLG) ng Department of the Interior and Local Government.
Ang SGLG (Pagkilala sa Katapatan at Kahuyasan ng Pamahalaang Lokal) ay ipinagkakaloob sa lahat ng local government units na may mahusay na pangangasiwa o pamamahala sa pitong core areas na kinabibilangan ng Financial Administration, Disaster Preparedness, Social Protection, Peace and Order, Business Friendliness and Competitiveness, Environmental Protection, at Tourism Culture and the Arts.
Para sa taong ito, nagkaroon ng karagdagang panuntunan o kwalipikasyon ang nasabing parangal bilang hamon ni DILG Secretary Eduardo M. Año sa mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang matapat na pagtupad sa kanilang mandato upang makapagbigay ng mahusay na paglilingkod sa mga mamamayang kanilang nasasakupan.
Sa lumabas na resulta ng validation process, tagumpay na pumasa ang LGU Tanauan sa lahat ng pamantayang itinakda ng kagawaran. Patunay lamang ito sa patuloy na pagpapabuti at pagpapataas ng kalidad ng serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaang lunsod sa mga Tanaueño at mga stakeholders nito.
Kaugnay nito, ang City of Tanauan ang natatanging lunsod sa buong lalawigan ng Batangas na pinagkalooban ng naturang pagkilala.
Sa awarding ceremony para sa Central at South Luzon na isinagawa sa Manila Hotel, Nobyembre 7, na may temang, “SGLG All-in: Reaping the Results of Good Governance”, pormal na iginawad sa lunsod ang marker ng SGLG na tinanggap ng delegasyon ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Acting City Mayor Benedicto C. Corona bilang kinatawan ni City Mayor Jhoanna Corona-Villamor,kasama sina City Planning and Development Officer Aissa M. Leyesa, Ms. Jacqueline Landicho, OIC-HRMDO, at City Local Government Operations Officer (CLGOO) Quennie Malleon.|Louise Ann C. Villajuan