NASUGBU, Batangas — IBINIDA ni Ilocos Norte governor Imee Marcos sa pagdiriwang ng ika-74 na Liberation Day ng Bayan ng Nasugbu at Centennial plus Four o ika-104 na taong pagkakatatag ng Bayan ng Lian nitong Huwebes, Enero 31,ang ilang mga ninanais na programa sa mga usapin ng pagkain, transportasyon at komunikasyon na may kinalaman sa Lalawigan ng Batangas.
Sa naging panayam kay Marcos, unang binigyang-pansin nito ang pagkakaroon ng reporma sa agrikultura kung saan ang gobyerno ang bibili ng mga agricultural commodities at magbebenta sa mga mamamayan nang walang tubo. Sa ganitong paraan ay magkakaroon ng suplay ng may mas mababang presyo o halaga.
Sa usapin ng transportasyon, hindi lamang umano ang Kalakhang Maynila ang nakararanas ng matinding trapiko kundi pati na rin ang Batangas, kaya nais niyang pagtuunan ng pansin ang pagsasaayos ng public transport. Kailangan din aniya ang pagbubukas ng ibang telecommunication companies upang magkaroon ng mas maayos na kumpetisyon at makapagbigay ng magandang serbisyo.
Binigyang-diin din niya ang pag-ibayo ng pagpaplano para mapaunlad pa ang kaalaman sa environmental at coastal management, partikular sa bahagi ng Matabungkay Beach sa Lian, at ang pagkakaroon ng hiwalay na departamento para sa mga Overseas Filipino Workers upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga ito sa kalusugan, hanapbuhay at problemang ligal.
Suportado rin ni Governor Marcos ang isinusulong na People’s Initiative, na pinangungunahan ni Batangas Gov. Dodo Mandanas, na mas magpapalakas at magpapatibay sa lokal na otonomiya.|May ulat ni Mark Jonathan M. Macaraig