In photo: Convergence Congress sa Batangas. Nagbigay ng mensahe si Gov. Dodo Mandanas sa 2nd Batangas Convergence Congress, na may temang “Negosyo at Trabaho: Garantisadong Pag-unlad at Pagbabago”, noong ika-25 ng Setyembre 2018 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City. Ang nasabing congress ay dinaluhan ng mga benepisyaro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kasabay ang pagbibigay karangalan sa Sustainable Livelihood Program (SLP) Graduates.|Macc Ocampo
ALINSUNOD sa layunin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na gawing mas produktibo ang mga mamamayang Batangueño at mas mapabuti ang kanilang pamumuhay, idinaos ang 2nd Batangas Convergence Congress, sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na may temang “Negosyo at Trabaho: Garantisadong Pag-unlad at Pagbabago” sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City, Setyembre 25.
Ang nasabing congress ay dinaluhan ng mga benepisyaro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kasabay ang pagbibigay karangalan sa Sustainable Livelihood Program (SLP) Graduates.
Ang programa ay binuo ng accomplishment reports ng PAC at PAT Batangas na inilahad ni G. Donards Kim Tañedo, dating Provincial Action Team Leader, pagpapakita ng Balisong 2018 at paglulunsad ng KaMUSTA Mobile App kasama na rin ang mga mensahe mula kina DSWD IV-A Regional Director Annie E. Mendoza at National Program Manager on Sustainable Livelihood Program Marife De Leon.
Kaugnay dito, nagsagawa ng employment facilitation na pinangunahan ni G. Bobby Genato, manager ng Skills Training and Development MDC at G. Rolly Pambustan, HR Supervisor ng DMCI.
Lubos na ikinatuwa ni Gov. Dodo Mandanas ang mga pagsisikap na mas pagbutihin ang mga programang pangkabuhayan sa lalawigan. Aniya, sinasabi nating napakayaman ng Batangas at dahil dito, nais niyang mapaabot ito sa mga mamamayan sa pamamagitan ng sariling sikap na may tulong mula sa livelihood programs ng pamahalaan sa pakikipag-uganayan hindi lamang sa PSWDO kundi pati na rin sa Provincial Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial Development Office (PCLEDO) na pinamumunuan ni Gng. Celia Atienza.
Binigyang-diin din ng ama ng lalawigan na noong siya ay umupo bilang gobernador ay mayroon lamang isang libong mga iskolar. Ngayong taon ay naging 22,000 na mga educational assistance beneficiaries at inaasahang sa susunod na taon ay aakyat pa ito sa humigit-kumulang na 30,000.
Nagtampok din ng mga testimonya mula sa mga piling benepisyaryo ng 4Ps sa pamamagitan ng isang audo visual presentation.| Marinela Jade Maneja