By JOENALD MEDINA RAYOS
BATANGAS City — PINATUNAYAN ng mga barangay tanod ng Brgy. Cuta, lungsod na ito na may silbi sila sa barangay nang arestuhin ng mga ito at mai-turn-over nila sa pulisya ang tatlong kalalakihang naaktuhang nagpa-pot session, Sabado ng gabi, Nob. 24.
Kinilala ng pulisya ang mga naaresto na sina Clifford Toledo y Seña alias Ford, 40 taong gulang, binata, dispatcher, at residente ng Brgy. 1; ang kabarangay nitong parking attendant na si Aldrin Arceo y Gaa, 45, binata; at si Wildrito Panopio y Gonzales alias Jojo, 48, may asawa, driver, at residente ng St. Paula Subdivision, Brgy. Libjo — pawang sa lungsod na ito.
Nabatid pa na ang tatlong suspek ay pawang mga newly identified drug personalities sa lungsod.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nabatid na may nagtimbre umano kay Punumbarangay Ramil Caseda na may nagpa-pot session sa bahay ng isang nagngangalang Maribeth kaya naman kaagad na pinarondahan ito ni Caseda sa mga tanod ng barangay.
Kaagad namang rumesponde ang mga nasabing tanod at naaktuhan nga ng mga ito ang mga suspek na humihithit ng iligal na droga.
Nakumpiska sa lugar ang dalawang (2) nakabukas na transparent plastic sachet, aluminum pipe, aluminum foil na may latak pa ng shabu, gunting at dalawang (2) disposable lighters.
Pansamantalang nakapiit ngayon ang mga suspek sa Batangas City Police Station Detention Cell samantalang inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 6195 na isasampa sa piskalya sa Lunes.
Ikinalugod naman ni PSupt. Sancho Celedio, hepe ng pulisya sa lungsod, ang aktibong pakikiisa ng barangay sa kampanya ng pulisya laban sa iligal na droga. Patunay aniya ang kaganapang ito sa seryosong pakikipagtuwang ng barangay para sa isang maayos at mapayapang lungsod.|#BALIKAS_News