SAN PABLO City – NAGWAKAS na ang operasyon ng isang kidnap-for-ransom group na kumikilos sa CALABARZON region matapos maka-engkwentro ng mga alagad ng batas sa isang pay-off operation na nagresulta naman pagkamatay ng limang katao at ikinasugat ng tatlong iba pa, Martes ng umaga, sa lunsod na ito.
Sa ipinadalang ulat sa Camp Vicente Lim, magkakasamang nagpapatrolya sa kahabaan ng Daang Maharlika, sakop ng Brgy. San Nicolas sa lunsod na ito ang mga operatiba ng Candelaria Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Superintendent Cabe, San Pablo San Pablo City Police Station sa pangunguna ni PSupt. Edward Cutiyog at Quezon Provincial Intelligence Branch at Laguna Mobile Force Company (LMFC) bilang follow-up operation sa isang kaso ng pandurukot noong Lunes ng gabi sa bayan ng Candelaria, Quezon.
Habang patungo sa napagkasunduang lugar ng pay-off, natiyempuhan ng mga operatiba ang sasakyan ng mga suspek, ngunit nang lalapitan na ng mga pulis ang mga hinihinalang kidnaper, kaagad na nagpaputok ang mga ito dahilan upang gumanti ang mga operatiba.
Dead on the spot ang limang (5) di pa nakikilalang suspek na pawang mga nakasuot ng police camouflage uniform.
Dead on arrival naman sa ospital ang isang pulis-Candelaria na nakilalang si PO1 Ma. Zarah Jane Andal. Dalawa (2) pang kasamahang pulis ang sugatan sa engkwentro na nakilalang sina PO1 January Menfroza, PO1 Junjun Villaflor. Kapwa nasa maayos nang kalagayan ang dalawa, ngunit malubha naman ang tama ng kidnap victim na si Ronald Arguelles.
Si Arguelles ay dinukot sa kaniyang tahanan sa Cristna Village, Brgy Mangilag Sur, sa Candelaria bandang alas-6:15 ng gabi noong Lunes, Abril 9.
Armado ng mahahaba at maikling baril, pinasok ng mga suspek ang tahanan ni Arguelles at inutusan itong dumapa saka kinuha ang mahahalagang bagay ng biktima.
Kasunod nito ay mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang Honda Civic na may plakang WBN 505 na pag-ari mismo ng biktima.
Samantala, nabatid naman na ang Isuzu Sportivo na sinakyan ng mga suspek sa nabigong pay-off ay rehistrado sa isang Lydia Sahagun Averion ng Brgy. Sta. Rosa, Alaminos, Laguna, batay sa rehistro nito na nakuha sa loob mismo ng naturang sasakyan.|BALIKAS Reportorial Team