By JOENALD MEDINA RAYOS
NAKALIGTAS sa tiyak na kapahamakan ang may 67 pasahero at tripulante ng isang bangkang de motor na lumubog sa katubigang bahagi ng Verde Island Passage (VIP) sa Batangas, pasado alas-dos nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat ng Calatagan Municipal Police Station, natanggap umano ng isang tawag ng Municipal Disaster Risk and Reduction Office (MDRRMO) ukol sa paglubog ng isang bagkang de motor sa katubigang bahagi ng Calatagan sa VIP.
Naglalayag umano ang bangkang MV Lucky Benjamin mula sa pantalan ng Calatagan patungong bayan ng Looc sa isla ng Lubang, Occidental Mindoro nang salabungin ito ng naglalakihang alon bunsod ng bagyong Inday na lalo pang pinaigting ng hanging habagat, dahilan upang mabutas ang naturang sasakyang pandagat at pasukin ng tubig-dagat.
Bagaman at hindi na nailigtas ang mga personal na gamit at iba pang mga kargamento, nailigtas naman ang 57 pasahero at 10 tripulante ng naturang sasakyang pandagat sa tulong ng Philippine Coast Guard, bantay-Dagat Brigade at iba pang mga volunteer rescuers.
Patuloy pa rin ang search and retrieval operation ng otoridad sa mga ari-ariang napinsala sa naturang trahedya.|#BALIKAS_News