TANAUAN City — TUMINDIG at nanindigan ang mayoriya ng Sangguniang Panlungsod ng Tanauan City na harangin ang panukalang Php 615.7-milyong Supplemental Budget na anila’y hindi tamang paggastos ng pondo ng bayan.
Sa regular na sesyon ng Sanggunian nitong Martes, Agosto 27, at sa botong 7 NO at 5 YES, nabigo ang administrasyon ni Mayor Nelson Collantes na mailusot ang naturang panukalang budget na nakalaan sana sa iba’t ibang programa ng pamahalaang lungsod.
Ayon sa mga hindi pumabor sa panukala, self-serving at halos mga ‘band-aid solution’ lamang ang mga programang ipinanukalang pondohan sa halip na ilaan ito sa mga higit na kailangan ng mga mamamayan na mapakikinabangan ng lungsod sa mas mahabang panahon.
Ayon kay Mayor Collantes, ‘lahat ng problema ay may solusyon, kung sa kanila’y panandalian yun, kanilang concern yun, sila ang magpaliwanag sa kanilang mga kabarangay na kanilang pinahindian; lahat ng inilagay ko doon ay yun ang hiningi ng mga barangay captains… wala ako dung inilagay na panandalian lamang…”
Dagdag pa ng alkalde, higit na mas alam ng mga punumbarangay ang concerns ng mga barangay, higit pa sa mayor, vice mayor at mga konsehal ng lungsod.
Ayon naman sa mayoriya ng mga kagawad ng lungsod, hindi masama na magpaganda ng mga lansangan at magpalagay ng mga ilaw sa kalye, ngunit marami ring mas mahahalagang proyekto na dapat siyang unahin na mapakikinabangan ng mas maraming Tanauenyo sa mahabang panahon, gaya ng mga pagtatayo ng mga silid-paaralan, mga malalaking health centers sa mga na makatutugon sa mga panangangailangang pangkalusugan ng mga mamamayan, lalo na ng mga taga malalayong barangay.
“Nakakabahala na makita na kung paano ang mga pondo na dapat sana ay makapagpapabuti sa ating lungsod ay nasasayang at nagagamit para sa mga pansariling kapakanan lamang,” pahayag ni Kag. Marissa Tabing.
Kabilang sa mga hindi pumabor sina Kagawad Samuel James T. Bengzon, Kag. Eugene B. Yson, Kag. Dr. Marissa B. Tabing, Kag. Herman R. De Sagun, Kag. BGen. Benedicto C. Corona (ret), Kag. Dr. Kristel Guelos, at Kag. Marcelo Eric O. Manglo.
Tanging sina Kag. Glen Win Gonzales, Kag. Czylene T. Marquezes, Kag. Angel C. Burgos, ABC President Precious Germaine M. Agojo at SK Federation President Ephraigme F. Bilog lamang ang mga pumabor sa panukala.
Pinangunahan ni Vice Mayor Atty. Herminigildo G. Trinidad Jr. ang naturang sesyon.
Sa isang panayam makatapos ang pagbasura ng konseho sa panukalang Supplemental Budget, sinabi ni Mayor Collantes na ipinagtataka niya ang mga naging galaw ng pulitika sa lungsod.
“Dati, kasagpi ko yung majority ng Sanggunian, pero yung apat, whatever reasons their might be, lumipat sila, and the… sab inga sa Biblia’y, h’wag kang humusga ng hindi ka mahusgahan,” sabi pa ni Collantes.
Taliwas dito, maging sa pagsisimula pa lamang ng termino niya bilang alkalde ng lungsod ay hindi naipanalo ni Mayor Collantes ang majority ng kaniyang slate. Batay sa naging resulta ng 2022 elections, apat na kagawad lamang ang nakapasok mula sa Partido ni Collantes na Nationalist People’s Coalition (NPC), tatlo (3) lamang ang nakapasok sa konseho kabilang sina last termer Corona, Guelos at Manglo, at pa-apat pa si Kag. Bengzon ng Liberal Party. Ang tunay na majority ng nakapasok sa konseho noong 2022 elections ay mula sa kampo ng nakatunggali niyang si Mark Halili at Vice Mayor Junjun Trinidad, ang partido na Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS).
Sa nakalipas na pagboto para ibasura ang panukalang Supplemental Budget No. 1, pawang tumindig ang tatlong dating kasama ni Collantes na sina Corona, Guelos at Manglo at manindigang kasama ng iba pa para sa anila’y higit na kagalingan ng mga Tanaueno.
Matatandaan na noong 2022 elections ay sinuportahan ng mga kampo ng mga Corona at Torres-Aquino, mga kilalang political leaders sa Tanauan ang kandidatura ni Collantes.
Nitong nakalipas na buwan ng Agosto, sa isang video footage sa isang pagtitipon sa lungsod, hayagang inilahad sa publiko nina dating City Mayor Sonia Torres-Aquino at dating City Mayor (at ngayon ay 3rd District Board Member) Alfredo C. Corona na kapwa sila nagkamali ng sinuportahang kandidato, sapagkat anila, hindi pala ito ang tamang liderato na naakma para sa Lungsod ng Tanauan.
“Kung noo’y nakita ninyo, na ako’y hindi nakasama sa kanya, yun po ay nauna lang po ng lapit yung isa, at hindi ko rin naman po aakalain na ako’y magkakamali,” pahayag ni Ex-Mayor Sonia.
Aniya pa, “ngayon po na may pagkakataon, ako na po ang nakikiusap, palitan na po natin..”
Sa panig naman ni Bokal Corona, binigyang-diin niya na noong 2022 ay magkasama silang humarap sa publiko ni dating Mayor Sonia Torres-Aquino at nagkaisa sila ng pag-endorso sa kasalukuyang mayor dahil naniwala sila na siya ang karapat-dapat.
“Hindi pala po sapat ang kaalaman, kakayahan at karanasan sa paglilingkod, pero higit sa lahat, napakahalaga po sa isang naglilingkod ay galing sa puso,” pahayag pa ni Corona.
Ngayon, “kailangan po maging mulat tayo”…. “at aaminin namin ni Mayor Sonia Torres-Aquino, kami po’y nagkamali ng sinamahan at tatayuan po namin yan. Totoo pong nagkamali kami,” dagdag pa ni Corona.
Ayon pa kay Bokal Fred, hindi pala sapat na may kakayanan, hindi sapat na may kaalaman, kundi higit sa lahat, ang kailangan ay may pusong maglingkod sa bayan.
Dahil sa naging kaganapan sa pagbasura sa panukalang Supplemental Budget No. 1, nakikita ng mga political observers sa Ikatlong Distrito ng Batangas ang pagtatambal ng kampo nina Corona at Torres-Aquino sa kampo naman ng mga Halili, para anila’y mailigtas ang lungsod ng Tanauan sa isang makasarili at walang direksyong liderato ng kasalukuyang administrasyon.|- Mapapanood ang buong talumpati nina former Tanauan City Mayor Sonia Torres-Aquino at Board Member Alfredo C. Corona sa YouTube/Balikas Channel