LIPA City – NAGING madamdamin ang huling naging State of the City Address (SOLCA) ni Mayor Meynard A. Sabili dahil sa huling pagkakataon na makapagreport sa taong bayan ng Lipa sa lahat ng kanyang mga nagawa sa loob ng tatlong termino o siyam na taong panunungkulan sa lunsod ng Lipa.
Iba’t ibang ahensya ng lunsod ang dumalo sa nasabing SOLCA. Kabilang din sa mga dumalo ang kanyang mga kapartido na mga Konsehal ng Lipa. Dumalo rin ang ilang mga alkalde kabilang sina Mayor Grandie Gutierez ng bayan ng Taysan, Mayor Rodolfo Manalo ng bayan ng San Juan at si Mayor Gualberto Silva ng bayan ng Mataas na kahoy.
Naging sentro ng pag-uulat sa lunsod ni Mayor Sabili ang kanyang nagawa sa loob ng syam na taon na kayang panunungkulan. Gaya na lang ng pagtaas ng pondo ng lunsod sa syam na taong nagdaan. Mula sa kabuuang pondong Php 890,992,200.00 noong 2010, unti-unti itong tumaas hanggang sa Php 1,686,864,240.00 ngayong taong 2018. Ito ay dahil sa pagbibigay derektiba ni Mayor Sabili na kolektahin ang karampatang buwis ng bawat negosyante sa lunsod.
Ang mga pondong ito ay ginastos sa mga proyekto ng lunsod kabilang na ang Edukasyon ,na dating nasa 300 lamang na mga mag aaral ang nabibigyan ng scholarship na ngayon ay umabot na ng 72,102 individual ang nasa ilalim ng scholarship program ng alkalde. Naglaan ng Php 80-milyon ang lunsod para mapag-aral ang nasa elementarya, sekondarya, senior high school gayon din ang mga nasa kolehiyo at nagmamasteral.
Iniulat din ng alkalde ang kanyang nagawa ang pagpapatayo ng Ospital ng Lipa noong taong 2013 na libu-libong mga Lipeño ang patuloy na nakikinabang lalo na ang mga taong walang pampa-doktor at walang pambili ng gamot. Dahil sa Ospital ng Lipa, naging magaan para sa kanyang mga kababayan ang maipagamot ang kanilang pamilya nang libre. Naglaan ang pamahalaang lunsod ng P49-milyong pondo para sa mga pangangailangan ng Ospital ng Lipa sa taong ito.
Kabilang pa rin sa kanyang iniulat sa bayan ang kanyang mga nagawa sa imprastraktura sa lunsod gaya ng mga farm to market roads, ang Lipa City Market parking building, Lipa Academy for Sports, Culture and Arts, at ang pakikipag-ugnayan ng pamahaalang lunsod sa SM City Lipa para magkaroon ng transport terminal upang mapadali ang pagsakay ng mga nagbibiyahe papasok at palabas sa Lipa.
Hindi rin nakalimutang iulat ng alkalde ang kanyang nagawa sa peace and order ng lunsod. Ipinagmalaki niya ang matibay na pakikipag-ugnayan sa myembro ng pulisya sa pagpapatupad ng maayos at tahimik na lunsod. Gayundin ang laban kontra iligal na droga sa pangunguna ng Pangulo ng bansa. Naglaan din ng pasilidad ang alkalde para sa mga nais magbagong-buhay at itinatag ang Bahay ni Kuya kung saan maaaring irehab ang mga nalulong sa iligal na droga. Mahigit 2000 indibidwal ang napagaling at naibalik na sa komunidad at namumuhay na ng maayos.
Ipinatayo rin ang Social Welfare Village kung saan dito ilalagay ang lahat ng mga walang anuman at walang kumakalingang residente ng Lipa.
Ipinagmalaki rin ng alkalde ang paglalagay ng street lights at traffic lights sa lunsod upang mabawasan ang problema sa trapiko lalo na kung rush hour. Patuloy rin ang paghahakot ng mga basura sa lunsod upang maging malinis ang Lunsod.
Iba’t ibang parangal din ang natanggap ng Lunsod ng Lipa sa nakalipas na siyam na taon sa pamamagitan ng katangi-tanging pamamahala ng administrasyopn ni Mayor Sabili.
Nagpapasalamat din ang alkalde sa lahat ng kanyang mga tagasuporta sa siyam na taong kanyang panunungkulan na aniya’y hindi siya iniwan sa lahat ng bumabatikos sa kanya upang sya ay mapabagsak sa kanyang pwesto.|May ulat ni Vincent Octavio