CALAPAN City — BILANG agarang tugon sa patuloy na malakas na pag-ulan at bantang dulot ng pagbaha bunsod ng mga bagyong Dante at Emong, matagumpay na naisagawa ngayong 23 Hulyo 2025 ang isang joint pre-emptive evacuation operation sa Brgy. Bucayao, Sitio 3, 5, at 7, Calapan City, Oriental Mindoro.
Ang operasyon ay isinagawa sa pangunguna ng Coast Guard Station Oriental Mindoro (DRG Team 2), sa pakikipagtulungan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Barangay officials, at iba pang ahensyang lokal.
Kabuuang 37 na indibidwal ang ligtas na nailikas mula sa mga posibleng maapektuhan ng pagbaha kabilang dito ang 24 matatanda, 12 na bata, at 1 sanggol. Sila ay agad na inihatid sa mga itinalagang evacuation centers gamit ang Floating asset ng nasabing barangay.
Ang mabilis at organisadong tugon na ito ay patunay ng kahandaan at kahusayan ng mga kinauukulang ahensya sa pagtugon sa mga sakuna. Ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa kanilang mandato na tiyakin ang kaligtasan at kapakananng bawat mamamayan sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Patuloy ang monitoring at koordinasyon ng Coast Guard Station Oriental Mindoro upang matiyak na walang maiiwan at lahat ay ligtas sa gitna ng nararanasang masamang panahon. Inaanyayahan din ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.|