Sa sesyon nito ngayong araw, Hulyo 25, 2025, idineklara ng Korte Suprema ang Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte na labag sa Saligang Batas dahil pinagbabawal ito ng one-year rule
sa ilalim ng Artikulo XI, Seksyon 3(5) ng Saligang Batas at nilalabag nito ang karapatan sa due process na nakasaad sa Bill of Rights. Kaya hindi makakakuha ng hurisdiksyon ang Senado sa impeachment proceeding.
Gayunpaman, sinabi ng Korte na hindi nito inaabswelto si Bise Presidente Duterte sa alinman sa mga paratang laban sa kanya. Ngunit ang anumang kasunod na impeachment complaint ay maaari lamang ihain simula Pebrero 6, 2026.
Nag-ugat ang kaso sa apat na reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Duterte. Ang unang tatlo ay inihain sa Mababang Kapulungan ng mga pribadong indibidwal at iba’t ibang grupo noong Disyembre 2, 4, at 19, 2024.
May ikaapat na reklamo na inihain sa pamamagitan ng isang resolusyon na inaprubahan ng higit sa one-third ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng 19th Congress noong Pebrero 5, 2025, na ipinadala bilang Articles of Impeachment sa Senado sa parehong araw. Sinundan ito ng dalawang petisyon na inihain sa Korte Suprema na kinwestiyon ang konstitusyonalidad nito.
Bumoto ang Korte Suprema ng 13-0-2, kung saan ang mga Justices na naroon ay sumang-ayon sa pagboto para pagbigyan ang mga petisyon na ipawalang-bisa ang Articles of Impeachment. Si Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa ay nag-inhibit, samantalang si Justice Maria Filomena D. Singh ay naka-leave.
Sa Desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, nagpasya ang Korte Suprema na ang lahat ng mga legal na isyu na kinasasangkutan ng mga paglilitis sa impeachment ay napapailalim sa pagsusuri ng hudisyal o judicial review, dahil sa likas na katangian ng mga tanggapan at mga institusyon na napapailalim sa impeachment, ang epekto nito sa kalayaan ng mga kagawaran at organo ng Konstitusyon, at ang kalikasan nito bilang isang proseso ng Konstitusyon.
Sa pagdedeklara na ang Articles of Impeachment ay pinagbawalan ng one-year rule, itinuring ng Desisyon na iba ang unang tatlong reklamo mula sa ikaapat na reklamo. Ang unang tatlo, aniya, ay isinampa sa ilalim ng Artikulo XI, Seksyon 3(2) ng Saligang Batas na nagpapahintulot sa sinumang mamamayan na magsampa ng beripikadong reklamo na inendorso ng sinumang miyembro ng Mababang Kapulungan. Ang pang-apat ay sa pamamagitan ng Artikulo XI, Seksyon 3(4) ng Konstitusyon sa pamamagitan ng beripikadong reklamo o resolusyon na inihain ng hindi bababa sa one-third ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan.
Binigyang-pansin ng Korte Suprema na hindi kumilos ang Mababang Kapulungan sa 19th Congress sa unang tatlong inendorsong reklamo na itinuring na tinapos na o tinanggal na sa pagpapaliban nito.
Natukoy din ng Korte Suprema na mayroong mga naging paglabag ang Mababang Kapulungan sa due process sa paglilitis. Inilatag nito ang mga sumusunod na angkop na proseso sa mga paglilitis ng impeachment:
1. Ang Articles of Impeachment o resolusyon ay dapat maglalaman ng ebidensiya kapag ibinabahagi sa mga miyembro ng Kapulungan, lalo na sa mga nagbabalak na iendorso ito.
2. Sapat dapat ang ebidensiya para patunayan ang mga paratang sa Articles of Impeachment.
3. Ang Articles of Impeachment at ang mga nilalamang ebidensiya ay dapat pwedeng ibigay sa lahat ng miyembro ng Mababang Kapulungan, hindi lamang sa mga nagbabalak na mag-endorso nito.
4. Dapat sana ay nabigyan ng pagkakataon ang taong sinampahan na marinig ang kanyang panig hinggil sa Articles of Impeachment at ang mga nilalamang ebidensiya para patunayan ang mga paratang laban sa kanya bago ito ipadala sa Senado, gaano man karami ang mga nag-eendorsong miyembro ng Mababang Kapulungan.
5. Dapat bigyan ng makatwirang panahon ang Mababang Kapulungan na malayang makapagpasya kung ieendorso ba nila ang reklamong impeachment. Gayunpaman, may kapangyarihan ang Korte na suriin kung sapat ang panahong ito, ngunit ang nagpetisyon – na humihiling sa kapangyarihan ng Korte na magsuri – ay dapat patunayang nabigo ang mga opisyal na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin.
6. Ang batayan ng anumang reklamo ay para dapat sa mga impeachable na pagkakasala o pagkukulang na ginawa kaugnay sa kanilang tungkulin at sa kasalukuyang termino ng impeachable na opisyal. Para sa Presidente at Bise Presidente, ang mga ginawa ay dapat kasimbigat ng mga katumbas na krimeng nakasaad sa Artikulo XI, Seksyon 3 (1) o isang pagtataksil sa tiwala ng publiko (betrayal of public trust) na ibinigay ng karamihan ng mga botante.
Para sa iba pang mga impeachable na opisyal, kailangang mabigat ang kanilang ginawa na talagang nakasisira sa respetong dapat ay taglay nila bilang mga tagapagtaguyod ng Konstitusyon;
7. Para matiyak na narinig ang panig ng taong sinampahan ng impeachment, ang Mababang Kapulungan ay kinakailangan na:
(a) Magbigay ng kopya ng Articles of Impeachment at mga nilalamang ebidensiya sa taong sinampahan para magkaroon siya ng pagkakataong tumugon sa loob ng makatwirang panahon na itatakda ng mga alituntunin ng Mababang Kapulungan. Ang hinihingi lamang ng Saligang Batas ay ang pagkakataong mapakinggan. Nasa taong sinampahan kung kusa niyang tatalikuran ang pangunahing karapatang ito at piliing iharap ang kanyang ebidensiya sa paglilitis ng Senado; at
(b) Gawing available sa lahat ng miyembro ng Mababang Kapulungan ang Articles of Impeachment, kasama ang nilalamang ebidensiya at komento ng taong sinampahan. Ang Mababang Kapulungan—hindi ang one-third ng Mababang Kapulungan—ang may tanging karapatan na magpasimula ng mga reklamong impeachment. Kaya naman, dapat magkaroon ng kaunting deliberasyon upang mapakinggan ang bawat miyembro na kumakatawan sa kanilang mga nasasakupan at sa gayon ay makumbinsi ang iba sa kanilang posisyon. Ang transmittal gayunman ay magaganap lamang kung may kalipikadong boto ng one-third ng Kapulungan.| Originally published by the Supreme Court Public Information Office.