NANINIWALA ang lider ng isang transport group na suporter ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na ang pangingibabaw nito sa mga survey ay resbak ng taumbayan sa ginawang pandaraya kay Marcos na tumakbong bise presidente noong 2016 elections.
“Karma itong nakikita nating resulta ng mga survey ngayon. Nakikita na natin ang mga senyales na ang eleksyon sa Mayo 2022 ay magiging araw ng pagtutuos para sa ilang mga kandidato. Kung talagang totoo ‘yung naging resulta nung 2016 vice-presidential race, nagrereflect na sana ‘yun sa mga survey ngayon. Nasaan na ang mahigit 14-milyon na botante ni Leni?” giit ni Roberto ‘Ka Obet’ Martin, National President ng Pangkalahatang Sanggunian Manila and Suburbs Drivers Association (Pasang Masda).
Sa pinakabagong Presidential Preference survey na isinagawa ng PUBLiCUS Asia Inc., nangibabaw si Marcos na nakakuha ng 49.3 porsyento ng boto. Si Leni Robredo ay nakakuha ng 21.3 porsyento, si Manila Mayor Isko Moreno ay may 8.8 porsyento, habang si Ping Lacson ay may 2.9 porsyento at si Manny Pacquiao naman ay may 2.8 porsyento.
Nakita rin sa survey na angat si Marcos sa key voting areas gaya ng National Capital Region (NCR), kung saan nakakakuha siya ng 40 porsyento ng mga boto, 55.7 porsyento naman sa North at Central Luzon at 38.2 porsyento sa South Luzon. Sa Bisaya naman ay nakakuha siya ng 44.7 porysento at tumataginting naman na 62.5 porsyento sa Mindanao.
“Isa lang ang paliwanang dito – may mandato ng taumbayan si Bongbong. Buo pa rin ang suportang nakuha niya noong 2016 at lalo pa itong lumalaki habang papalapit ang eleksyon. Bongbong has the full support and confidence of a large majority of the electorate,” ani ni Martin.
Makikita rin ang pangingibabaw ni Marcos sa mga Kalye Survey na ginagawa ng mga YouTube vloggers sa iba’t ibang panig ng bansa.
Hindi man pormal at hindi sumusunod sa mga karaniwang metodolohiya na sinusunod ng mga polling firms, ang mga Kalye Survey ay sinasabing ‘real man,’ ‘real street’ survey na nagpapakita ng totoong pulso ng masang Pilipino.
Kasama ang Pasang Masda sa mga transport groups na nagpahayag kamakailan ng suporta sa kandidatura ni Marcos.
Ayon kay Martin, sang-ayon sila sa mga plano ni Marcos para sa transport sector at malaki ang tiwala nilang maisasakatuparan ang mga naturang plano kapag nanalo ito sa darating na halalan sa Mayo.
“Kaya sinang-ayunan namin ang kanyang magagandang layunin at kami ay umaasa na mapapatupad ang mga napagusapan kapag siya ang nanalo sa 2022. Kami ay natutuwa at nagpapasalamat sa magandang layunin ng ‘Best Bet ng Mamamayan’ hindi lang sa transportasyon kundi sa ating bansang Pilipinas,” giit nito.|- BNN/pr