Special Report:
By JOENALD MEDINA RAYOS
BATANGAS City – UMAASA pa rin ang mga maliliit na negosyo at maging ang publiko sa kabuuan na mananatiling mas mainam na piliin ang pagdedeposito sa bangko kaysa ibang paraan ng pag-iimpok sa kabila ng lumalaking risk sa banking industry sa bansa.
Nito lamang Huwebes, Agosto 2, dalawang rural banks ang halos sabay na isinara ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pamamagitan ng magkadikit na Resolusyon (1239.A at 1240) ng Monetary Board at isinailalim sa receivership and liquidation ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) – ang Rural bank of Sta. Elena (Camarines Sur), Inc. sa Bikol at ang Rural Bank of Tiaong (Quezon), Inc. sa South Luzon.
Umaabot sa kabuuang 19,215 deposito ang naipit sa dalawang bangkong ito na may kabuuang pananagutang depositong Php 911.3-milyon. Umaabot lamang sa Php 878.4-milyon ang nakaseguro rito sa PDIC.
Batay sa talaan ng PDIC, mula noong 1995, umabot na sa kabuuang 26 na bangko na may punong tanggapan sa Lalawigan ng Batangas ang nagsara. May ilan ding bangko sa Kalakahang Maynila at mga kalapit-probinsya ang may sangay sa Batangas, at sa lahat ng ito, ang mga abang depositor ang apektado.
Hanggang noong Hunyo 30, 2018 naman, anim (6) lamang sa 26 na bangkong ito ang may Approved Terminal Report (ATR) at ito ay ang (1) Balayan Bay Rural Bank (Batangas), Inc. (nagsara noong 26-Nov-09); (2) Bauan Rural Bank (Batangas), Inc. (08-May-03; (3) Rural Bank of Balayan (Batangas), Inc. (27-Apr-00); (4) Rural Bank of Malvar (Batangas), Inc. (23-Aug-95); (5) Rural Bank of San Pascual (Batangas), Inc. (21-Jul-00); at (6) Rural Bank of Tuy (Batangas), Inc. (14-Apr-00).
Sa 18 nagsarang bangko sa Batangas na kasalukuyang isinasailalim pa sa liquidation, dalawa lamang dito ang may Approved Final Asset Distribution Plan (AFADP) na kinabibilangan ng First Coconut Rural Bank (Batangas City), Inc. na nagsara noong Hulyo 27, 2006; at ang Rural Bank of Nasugbu, Inc. na nagsara noong Enero 26, 2012.
Nananatili namang 16 pa sa tala ng mga nagsarang bangko ang hanggang noong Hunyo 30, 2018 ay nanatiling wala pa ring approved final asset of distribution plan.
Unlucky 7th, strike 3!
Samantala, ang Tiaong Rural Bank, Inc. ay ang pang-pito na sa mga problemadong bangko sa bansa na isinara ng BSP-Monetary Board simula Enero ngayong taon. Kasabay ng TRBI na isinara noong Huwebes ay ang Rural Bankof Sta. Elena (Camarines Norte), Inc. (Resolution No. 1239.A).
Ang TRBI rin ay pangatlo na sa Lalawigan ng Batangas kasunod ng Empire Rural Bank, Inc. sa Lunsod ng Lipan a nagsara noong Pebrero, at ng Women’s Rural Bank na may mga sangay sa mga bayan ng Rosario at Sta. Teresita, kapwa sa Batangas, na nagsara naman noon lamang Hulyo 13.
Simula noong 1995, ito na ang pangatlong pagkakataon na naka-tatlo nang bangko sa Batangas ang nagsara – una noong taong 2000, sinundan noong taong 2012, at ngayong 2018.
Samantala, ang iba pang tatlong isinara ngayong taon ay ang Bangko Buena Consolidated Inc. na nakabase sa Iloilo, Rural Bank of Initao (Misamis Oriental) Inc., at ang Rural Bank of Loreto (Surigao del Norte) Inc.
Hanggang nitong Biyernes, mayroon na lamang 25 rural banks na kasapi ng Rural Bankers Association of the Philippines (RBAP) sa buong Lalawigan ng Batangas. |#BALIKAS_News