27.3 C
Batangas

Alert status ng Taal Volcano, ibinaba na sa Level 3

Must read

- Advertisement -

Pinababatid sa lahat ng kinauukulan na atin nang ibinababa ang alerto ng Bulkang Taal mula sa Alert Level 4 (malakas na pagsabog ay napipinto) pababa sa Alert Level 3 (ang taya ng malakas na pagsabog ay pansamantalang naibsan).

Ang kalagayan ng Bulkang Taal sa nakalipas na dalawang linggo matapos ang phreatomagmatic eruption (main eruptive phase) noong 12-13 Enero ay nagkaroon pangkalahatang pagbaba: ang mga volcanic earthquakes ay naging manaka-naka, bumagal na ang pamamaga ng lupa sa kabuuang Taal Caldera at Taal Volcano Island (TVI) at humina na ang pagbuga ng steam/gas mula sa Main Crater.

Ang mga pagbabagong ito ay batay sa mga sumusunod na monitoring parameters:

1. Ang mga naitalang lindol ng Philippine Seismic Network (PSN) sa kapaligiran ng Taal ay bumaba mula 959 na lindol kada araw hanggang 27 na lindol kada araw na may kaakibat na pagbaba ng pinakamataas na magnitude mula M4.1 sa M2.1 sa pagitan ng 12 at 24 ng Enero. Gayundin, ang Taal Volcano Network (TVN) ay nakapagtala ng pagbaba sa bilang ng volcanic earthquakes mula 944 na lindol kada araw hanggang 420 na lindol kada araw sa pagitan ng 17 at 24 ng Enero na may kaakibat na pagbaba sa kabuuang lakas o seismic energy.

Noong 21 Enero, tumigil na rin ang hybrid earthquakes na naghuhudyat ng pagtulak ng magma mula sa malalim pa nitong imbakan patungo sa mas mababaw na imbakan ng magma sa ilalim ng TVI. Patuloy din ang pagbaba ng bilang at lakas ng low frequency events na may kaugnayan sa aktibidad sa mababaw na imbakan ng magma.

2. Batay sa mga datos na nakalap ng mga Global Positioning System (GPS), nagkaroon ng pagkilos ng lupa matapos ang main eruptive phase na may kasamang biglang paglapad ng Taal Caldera ng halos isang (1) metro, pag-angat sa hilagang-kanlurang bahagi ng caldera ng halos 20 sentimetro at pagbaba sa timog-kanlurang bahagi ng TVI ng halos isang (1) metro. Ang ganitong pagbabago ay nasundan ng mas maliit na pagbabago noong 15 hanggang 22 ng Enero katuwang ang kapansin-pansin na pagbaba ng tubig ng halos 30 sentimetro sa paligid ng lawa ng Taal hanggang kahapon.

Napagmasdan din ang halos 2.5 metrong pagbaba ng tubig sa timog-kanlurang bahagi ng lawa kaalinsabay sa pag-taas sa ilang bahagi ng Pansipit River Valley na kung saan naiulat ang mga pagbitak ng lupa o fissuring. Ang pagbabagong ito ay inihahayag din ng mga datos mula sa InSAR (satellite) na nagpapakita ng kabuuang pag-angat sa kanlurang bahagi ng Bulkang Taal dahil sa pagtulak ng magma patungo sa imbakan nito sa ilalim ng TVI hanggang 21 Enero.

3. Pagkatapos ng main eruptive phase, ang aktibidad sa Taal Main Crater ay humumpay at nauwi sa madalang at mahinang pagbuga ng abo at bahagyang mas matagal-tagal na degassing o pagbuga ng steam-laden plumes na nagsitayog lamang sa <1000 na metro.

Ang paghumpay ay alinsabay sa pagbaba ng bilang ng volcanic earthquakes at naghuhudyat ng paghinto o pagkabinbin (stalling), pagsingaw at paghina ng gas pressure ng naka-antabay na magma sa mababaw nitong imbakan sa ilalim ng TVI na siyang pinagmumulan ng aktibidad sa bunganga ng bulkan.

4. Ang sukat ng sulfur dioxide o SO2 na nakalap ng campaign Flyspec ay nagbago mula sa mataas na ~5,300 tonelada kada araw noong 13 Enero hanggang sa mababang ~140 tonelada kada araw noong 22 Enero, ngunit ito ay namalagi sa average na 250 tonnes kada araw sa nakalipas na limang araw. Ang mababang average na ito ay alinsunod sa patuloy na pagsingaw ng naninigas na magma at paghumpay ng pagbuga ng abo at mga steam-laden plume mula sa Main Crater.

Alinsunod sa mga nasaad na mga batayan, ibinababa ng DOST-PHIVOLCS ang alert status ng Bulkang Taal mula Alert Level 4 pababa sa Alert Level 3 kaakibat ng pagbaba ng antas ng mga monitoring parameters. Ang Alert Level 3 ay nangangahulugang mayroong pagbaba sa taya ng mapanganib na pagputok mula sa bulkan at hindi nangangahulugang huminto o naglaho na ang banta ng mapanganib na pagputok. Kapag nagkaroon ng pagtaas o kakaibang pagbabago sa monitoring parameters na naghuhudyat ng napipintong malakas na pagsabog, ang Alert Level ay maaring muling itaas sa Alert Level 4.

Ang mga naninirahan sa mga lugar na mataas ang panganib (high risk) sa base surge na bumalik matapos ang pagbaba ng Alert Level ay kailangang laging handa para sa mabilis at maayos na paglikas (evacuation) kapag ito ay nangyari. Sa kabilang dako, kung sakali naman na patuloy bumaba ang mga monitoring parameters sa loob ng sapat na panahon ng pagmamanman, ang Alert Level ay maaring ibaba sa Alert Level 2.

Ang DOST-PHIVOLCS ay nagpapaalala sa publiko na sa Alert Level 3, maaaring magkaroon ng biglang pagbuga ng steam at mahinang phreatomagmatic explosions, volcanic earthquakes, pag-ulan o pagsaboy ng abo at pagbuga ng mga nakalalasong gas lalung-lalo na sa TVI at sa paligid ng lawa.

Mariin na iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa Taal Volcano Island (TVI), na siyang Permanent Danger Zone ng Bulkang Taal, pati na rin sa mga lugar sa paligid ng Taal Lake at mga pamayanan sa kanluran ng TVI na nakapaloob sa pitong (7) kilometro-radius mula sa Main Crater.

Hinihimok ang Local Government Units (LGU) na suriin ang mga lugar sa labas ng 7-kilometrong radius para sa mga pinsala at kalagayan ng kalsada’t daanan. Kinakailangan ring palakasin ang paghahanda, contingency at mga pamamaraan ng komunikasyon para sa mabilisang pagkalat ng impormasyon kung sakaling magkaroon ng pagbabago sa kalagayan ng bulkan.

Pinapayuhan ang mga tao na mag-ingat sa panganib ng paggalaw ng lupa sa mga lugar na may bitak (fissure), madalas na pag-ulan ng abo at mahihinang lindol. Ang mga pamayanan sa gilid ng ilog na may makapal na deposito ng abo mula sa pagputok ng bulkan ay nararapat na maging mas mapagmasid kapag may malakas at mahabang pag-ulan sapagkat maaaring magdulot ito ng lahar sa mga ilog.

Ang mga pamunuan ng civil aviation ay kailangang magpayo sa mga piloto na iwasan ang paglipad malapit sa bulkan sa kadahilanang maaring magkaroon ng biglaang pagbuga ng abo at malalaking tipak ng lava o paglipad ng abo dala ng malakas na hangin na maaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid.

Ang DOST-PHIVOLCS ay patuloy sa pagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Taal at ang anumang mga pagbabago ay agarang ipararating sa lahat ng mga kinauukulan.| – [Mula sa Opisyal na Anunsyo ng DOST-Phivocls]

- Advertisement -
- Advertisement -

More articles

BALAYAN, Batangas – AFTER undergoing monitored home isolation and receiving appropriate medical care, the first Mpox case recorded in CaLaBaRZon, a 12-year-old male from this town, was tagged as recovered and given clearance on September 13, 2024. The patient started...
In 1916, Albert Einstein theorized that two merging black holes create ripples in the spacetime fabric, similar to how a pebble creates ripples in a pond. These ripples, called gravitational waves, stretch and squeeze spacetime in amounts so minuscule...
Kailangang magbuo ng isang corporate entity na siyang magpapaunlad sa Laguna Lake upang makamit ang buong potensyal nito. Ito ang panawagan ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules, September 11, 2024, sa kanyang sponsorship sa Senate Bill No. 2647 na...
- Advertisement -

Latest article

- Advertisement -