By JOENALD MEDINA RAYOS
IBAAN, Batangas – SA gitna ng umiinit na kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga at sa mga isinapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte na narcolist, nakatagpo ng matibay na kakampi si Mayor Danny Toreja ng bayang ito sa Simbahang Katoliko para idepensa ang kanyang sarili.
Sa kanyang mensahe nitong nakaraang Linggo, Marso 31, nanawagan si Rev. Fr. Randy Marquez, OSJ, kura paroko ng St. James the Greater Parish, sa mga mamamayan ng Ibaan na tulungang maipagtanggol si Mayor Toreja sa kanyang kinakaharap na usapin bilang isa sa dalawang alkalde sa Batangas na nakasama sa tala ng mga politikong iniuugnay ng pamahalaan sa iligal na droga.
Ayon pa kay Father Marquez, maging ang mga taga-Ibaan ay hindi naniniwala na sangkot nga ang kanilang alkalde sa iligal na droga.
Bukod dito, may mga tauhan at opisyal umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsabi na naniniwala silang naging biktima lamang ng sirkumstansya si Toreja at hindi sila naniniwalang may kaugnayan sa iligal na droga ang alkalde o sinumang opisyal ng Ibaan.
Dahil dito, nanawagan pa si Marquez sa mga kababayan na patuloy na ipagdasal ang kanilang mga lider at ang katahimikan ng kanilang munisipyo kaya naman nakiusap din siya sa lahat ng mga tumatakbo sa alin mang lokal na posisyon sa darating na halalan na huwag gagamitin ang usaping ito sa kanilang pangangampanya at nagpahayag naman ng pakikiisa at suporta ang mga nasabing kandidato.|