By JOENALD MEDINA RAYOS
LUNSOD NG TANAUAN, Batangas โ ARESTADO ang anak ng isang dating alkalde ng lunsod na ito matapos makorner sa isang traffic incident sa lunsod na ito na nakadamay pa ng tatlo (3) pang sasakyan nitong Lunes ng hapon, Hulyo 23.
Sa ulat ni PSupt. Renato Mercado, hepe ng Tanauan City Police Station kay Batangas Police Director PSSupt. Edwin A. Quilates, nabatid na nagpapatrolya sa kahabaan ng National Highway sakop ng Sto. Tomas, Batangas ang grupo ni PSI Jet Sayno nang makaagaw-pansin sa mga alagad ng batas ang isang itim na Honda Civic na walang plaka at conduction sticker dahilan upang parahin ito.
Sa halip na tumigil at lalo umanong humarurot palayo sa direksyon ng patungong Lunsod ng Tanauan kung kayat nagkahabulan pa ang drayber ng kotse at mga operatiba.
Sa pagtakas na ito ng suspek, nabangga pa ng Honda Civic ang isa pang kotse, isang tricycle at isang motorsiklo pagsapit ng barangay Uno, Poblacion sakop ng Lunsod ng Tanauan.
Kaagad namang inaresto ng otoridad ang drayber ng nakabanggang kotse na nakilalang si John Eric Lirio y Almeda, anak ni dating Tanauan mayor Paquito Lirio.
Nang halughugin ng mga tauhan ng Tanauan City Police Station ang sasakyang dala ni Lirio, nadiskubre rito ang may 25 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P136,000.00 at mga paraphernalia sa paggamit ng iligal na droga.
Wala namang naipakitang dokumento si Lirio ng pagmamay-ari sa naturang kotse na kalaunan ay nabatid na pag-aari ng isang taga-Lunsod ng San Pedro, Laguna.
Pansamantalang nakapiit ngayon sa Tanauan City lock-up facility ang suspek na nahaharap sa patung-patong na kaso ng paglabag sa RA 9165 at iba pang batas.|#BALIKAS_News