IBINUKO ng ilang residente ng Lungsod ng Lipa ang umanoy talamak na anomalya sa paggastos ng salapi ng pamahalaang lungsod sa panahon ng umiiral na pandemya.
Sa isang pambihirang pagkakataon, humarap sa mga mamamahayag ang ilan lamang sa tila maraming indibidwal na kinasangkapan umano ng mga tauhan ng cityhall sa nasabing iregularidad.
Nitong Lunes ng gabi, limang (5) residente ng iba’t ibang barangay ng lungsod ang naghayag na umano’y “paggamit” sa kanila sa maanomalyang transaksyon.
Anila, sa magkakahiwalay na pagkakataon, isang may koneksyon sa cityhall ang umaktong ‘recruiter’ at nakipagtransaksyon sa kanila mula sa paggamit ng kanilang pangalan hanggang sa ma-withdraw ang salapi sa account ng syudad sa Development Bank of the Philippines (DBP) – Lipa City Branch.
“Panahon po ng pandemya at wala kaming trabaho kaya kami napapayag sa transaksyon na hindi namin inakala na magagamit pala kami sa maanomalyang modus na ito,” paunang pahayag ng isang nagpakilalang Ana.
“Una po ay kinontak ako at ang tanong ay kung gusto kong kumita; natural po, walang trabaho, kaya umoo agad ako. Ang tanong lang naman ay kung may dalawang valid ID daw ako, kaya po hiniram sa akin ang ID ko ay sinabing sa loob ng ilang araw ay ibabalik din at kokontakin ako ‘pag na-process na ang tseke,” kwento pa ni Ana.
Aniya pa, matapos ang ilang araw ay tinawagan na siya at pinatagpo sa branch ng DBP sa Lipa City para sa encashment ng tseke. Sinabihan umano siya na kapag tinanong ng teller kung para saan ang tseke ay sasabihing medical assistance.
Matapos aniyang pumila sa bangko ay ibinigay ng ‘recruiter’ ang isang tseke na may halagang P50,000.00 kalakip ang kaniyang mga ID. Matapos namang mapapalitan ang tseke, ibinigay niya sa kaniyang ‘recruiter’ ang buong P50,000.00 saka siya binigyan nito ng P1,500.
Ngunit matapos ito ay nabatid na lamang ni Ana na ganito rin pala aniya ang naging karanasan nina Aida, Lorna, Fe at Andrew, mga di tunay na pangalan.
Ipinagtataka rin umano nila na bakit sasabihin nilang para sa medical assistance ang nasabing tseke gayong wala naman sa kanilang nagkakasakit.
Nabatid pa na magkakaibang araw ang naging transaksyon ng limang residente — nauna si Ana noong March 19, magkasabay sina Aida at Lorna noong May 28, at sabay rin sina Fe at Andrew noong August 16, pawang ng nakalipas na taon. Bawat batch nila ay tig-sasampu sila sa grupo, bagaman di magkakakilala, pero-pareho ng proseso at ang halaga ng tseke ay mula P50,000 hanggang P100,000.
Sa simpleng kwenta, kung ang tatlong batches ng limang ‘nagamit’ na ito ay binubuo ng 10 katao, na may tig-P50,000. na tseke, lumakabas na (3x10xP50,000) umabot na kaagad sa P1.5-milyon ang naipalabas na pera ng lungsod gamit ang kanilang mga pangalan.
Sa isang tseke naman na nakunan ng larawan (Check No. 0069575115) na may halagang P100,000.00, ang nasabing transaksyon ay paggastos ng Lipa City Government General Fund. Hindi pa ito kasama sa P1.5 milyong nabanggit sa itaas at sa iba pang transaksyon ng ibang batches. Kinumpirma ng grupo nina Ana, gayun ding itsura ng tseke at pirma ang kanilang pinapalitan sa DBP.
“Naniniwala po kami na hindi lamang kami ang mga nagamit ng mga taong nasa likod ng anomalyang ito, kundi maraming iba pa. Nakakalungkot po na ma-reliazed namin na ganito pala ang modus ng mga nananamantala sa pamahalaan,” pahayag ni Aida.
Nang usisain ng mga mamamahayag kung bakit ngayon lamang sila lumutang at nagsiwalat sa publiko, “nakakalungkot po na maraming mga umano’y programa ang cityhall na hindi naman pinakikinabangan ng tao, at marami ring mga mamamayan ang walang napapakinabang sa ating pamahalaang lungsod,” sagot ni Ana.
“Nakokonsiyensiya po kami na baka iyong mga senior citizen na nagpapabalik-balik sa cityhall tapos walang makuhang ayuda o tulong ay ito palang pondong ito ang ipinawithdraw sa amin,” dagdag pa ni Aida.
Nanawagan pa ang limang nabanggit sa anila’y iba pang “nagamit” na gaya nila, na isiwalat na rin sa publiko ang kanilang nalalaman sa mga anilay maanomalyang transaksyon sa Lipa City Hall.
Sinikap kunin ng BALIKAS News ang reaksyon ni Mayor Eric Africa sa pamamagitan ni city information officer Melanie Aguila. Ngunit matipid na sagot ni Aguila, “oks, thanks, no instance na may ganan…(sic).”| – BNN / Joenald Medina Rayos