By JOENALD MEDINA RAYOS
LIPA City – TINIYAK ni dating Senate president Juan Ponce Enrile na tututukan niya ang hinaing ng mga guro sa mga pribadong paaralan na mabigyan sila ng ayuda ng pamahalaan upang matiyak ang tuluy-tuloy na paghubog ng mga de-kalidad na mga manggagawa ng bansa.
Sa kaniyang pagharap bilang guest speaker ng private schools educators na itinaguyod ng Lipa Diocesan Catholic Schools Association (LIDICSA) sa lungsod na ito, Biyernes, sinabi ni Enrile na kailangan ng bansa ngayon na mag-prodyus ng maraming inhenyero, mathematicians, at mga siyentista upang makasabay sa industriyalisasyon ng global community. Ito aniya ang naging istratehiya ng bansang Tsina kaya naging mabilis ang progreso nito at nahigitan pa ang Estados Unidos.
Matapos ang panayam ng dating opisyal, inihayag ni LIDICSA president, Fr. Richard P. Panganiban, na mayroon ng binuong manifesto ang mga superintendents ng mga pribadong paaralan sa bansa at hinihintay lamang nilang makalipas ang eleksyon at saka nila idudulog sa bagong kongreso ang nasabing manifesto.
Nakassad aniya dito ang petisyon at hinaing ng mga guro sa mga pribadong paaralan na mabigyan ng ayuda o subsidy ng pamahalaan ang mga nasa private educational institutions upang makasabay sa mga guro ng mga pampublikong paaralan at mga kolehiyo.
Nangako naman si Enrile na kaniyang isusulong ang adbokasiyang ito, bagaman at hindi niya maaaring ipangako ang katiyakan na kaagad ay maibibigay ito sapagkat kailangan muna niyang pag-aralan ang mga rekisitos o nitty-gritty ng private education system. Mayroon aniyang magkakaibang estado, pamamahala at areas of concerns ang mga private education institutions kaya kailangan munang pag-aralan ito.|#BALIKAS_News