BATANGAS City — NAKALIGTAS sa tiyak na kapahamakan ang isang 29-taong gulang na Chinese national na babae matapos itong makatakas sa kaniyang mga kidnaper at tuluyang makahingi ng saklolo sa mga nagpapatrolyang pulis dakong alas-2:40 ng madaling-araw nitong Huwebes sa isang sangay ng 7/11 convenience store sa kanto ng Nueva Villa Subdivision, Barangay Alangilan, lungsod na ito.
Ayon sa ulat ng Batangas City Police Office, natagpuan umano nila ang naturang biktima matapos nitong matakasan ang mga dumukot sa kaniya at tuluyang makahingi ng tulong sa mga naturang rumorondang pulis. Ayon umano sa salaysay ng biktima, may 20-araw na ang lumipas mula ng siya’y dukutin sa Angeles City, Pampanga at ikulong sa isang apartment sa Aguda Homes sa naturan pa ring barangay.
Nabatid pa sa ulat ng PNP-Anti-Kidnapping Group sa Camp Crame na isang Chinese national umano na nagngangalang Du Kang ang naghain ng reklamo ukol sa pagkawala ng kaniyang live-in partner noon pang bandang alas-7:40 ng gabi ng Setyembre 16 sa Forest Park Homes South sa Angeles City, Pampanga.
Ayon pa kay Du Kang sinundo umano ang biktima ng isang Pilipinong driver at dalawang Chinese nationals sakay ng isang puting Fortuner patungo sa di mabatid na direksyon. Ngunit bandang alas-11:48 ng gabi ring iyon nakatanggap pa umano si Du Kang ng isang video clip na nasa Hammer Disco Light Club sa Barangay Balibago, Angeles City pa umano ang biktima kasama ang isang kaibigang babaeng Chinese national na nagngangalang Li Yuzhu.
Kinabukasan naman, Setyembre 17, nakatanggap pa ng isang tawag si Du Kang na humihingi sa kaniya ng halagang US$2,000,000 (Php116 million) kapalit ng paglaya ng biktima.
Ani Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ito uma-no ang dahilan upang magsagawa ng follow-up investigation ang pulisya at surveillance sa Nueva Villa Subdivision, Alangilan, Batangas City hanggang sa pagkatagpo nga ng mga rumo-rondang pulis sa biktima sa nabanggit na convenience store.
Ayon pa sa biktima, ikinulong siya ng mga kidnaper sa animo’y hawla ng aso at pinapalo ng baseball bat sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Natukoy naman ng pulisya ang apartment sa Aguda Homes na pag-aari ng isang Leonila Asuncion y Magpantay na siyang ginawang hide-out ng mga kidnaper.
Nasa pangangalaga na ngayon ng PNP AKG ang biktima habang patuloy ang pagtukis sa kaniyang mga kidnaper.| – BALIKAS News/jmr