28.8 C
Batangas

Bagong PCL-Batangas officers, inihalal, nanumpa sa tungkulin

Must read

- Advertisement -

BM Malinay, muling nahalal na PCL – Batangas President

“Kahit pilay handang umalalay at kahit may tungkod, handang maglikod.”

- Advertisement -

Ito ang mariing pahayag ni Philippine Councilor’s League (PCL) Batangas Federation President at Sangguniang Panlalawigan Board Member Leo F. Malinay sa kaniyang campaign speech sa pagtitipon ng PCL-Batangas Chapter sa Batangas City Convention Center, Lungsod ng Batangas, kung saan isinagawa rin ang halalan ng mga bagong opisyal ng liga, Agosto 2.

Umabot ng pitong oras ang naging botohan at bilangan bago pinal na naiproklama ni Department of the Interior and Local Government – Batangas Provincial Director Abigail N. Andres, na tumayong chairperson ng halalan, ang mga nagwaging kandidato. 

Muling nagwagi bilang pangulo ng liga ng mga konsehal ng mga lungsod at bayan sa Lalawigan ng Batangas si Malinay, na ngayon ay nasa ikalwang termino ng pagiging konsehal ng bayan ng Lian. Nakuha ni Malinay ang 188 boto mula sa 354 na mga lokal na mambabatas na dumalo sa pagtitipon.

Kasama ni Malinay na maglilingkod ng tatlong taong termino sa liga sina: Bauan Councilor Ronald E. Cruzat, Vice President; Lipa City Councilor Joel D. Pua, Secretary-General; Tanauan City Councilor Herman G. Trinidad, Treasurer; Calatagan Councilor Jose Coz Jr., Auditor; San Pascual Councilor Ramel V. Fernandez, Public Relations Officer; Alitagtag Councilor Ruben Ceferino I. Ilagan, Business Manager; at Federation Directors na sina Batangas City Councilor Oliver Z. Macatangay, Rosario Councilor Christopher A. Conti, Taal Councilor June C. Manimtim, Balayan Councilor John Albert I. Mapalad, Malvar Councilor Willie M. Tagle, Rosario Councilor Marilou Villapando, Agoncillo Councilor Rosemelyn F. Roque at Cuenca Councilor Henry A. Larcia.

Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon sina PCL National Chairperson and Davao City Councilor Danilo Dayanghirang; Batangas City Chief of Police, PLt. Col. Sancho Seledio; Mr. Nelson M. Bayani, kinatawan ni Provincial Secretary Benjamin DJ Nepales; at DILG Cluster Heads Maria B. Marquez and Nerissa G. Contreras.

Sa isang panayam kay BM Malinay, inamin nito na hindi naging madali para sa kaniya ang naging laban sapagkat hindi niya nakuha ang suporta ng kaniyang mga kasama sa bayan ng Lian, maging ng liderato ng kaniyang bayan. Ngunit tiniyak niya na ang ipinaglaban niya aniya ay ang kanidatura ng isang naghahangad ng tunay na serbisyo para sa liga ng mga konsehal na siyang dahilan kung bakit niya nakuha ang suporta ng mayoriya ng mga kasapi ng liga.

Nakatunggali ni Malinay si Konsehal Mildred Sanchez Belo ng bayan ng Nasugbu. Matatandaang sila din sana ang magkatunggali sa panguluhan ng liga noong taong 2016, ngunit dahil umano sa ilang namagitan ay hiningi ang pag-atras ni Malinay sa kandidatura sa pagkapangulo at sa halip ay tumakbo na lamang sa pagka-bise presidente ng liga, sa usapang maghahati ng panunungkulan (o term-sharing) sina Sanchez at Malinay. Hindi naman kaagad nakaupo si Malinay noong 2017 dahil umano sa ilang usaping legal kaya’t naantala ang kaniyang pag-upo bilang pangulo ng liga sa ikalwang kalahati ng termino.

Sa pagkapanalo ngayon ni Malinay, nilinaw ng opisyal na isang buong termino niyang pamumunuan ang liga at prayoridad niyang maitayo ang sariling Gusali ng Liga ng mga Kagawad sa Batangas na siyang magiging tahanan ng liga. May pagsisimulan na aniyang budget na kalahating milyong piso at tiniyak din umano ni Gobernador Hermilando Mandanas na sa loob ng compound ng kapitolyo itatayo ang naturang gusali.

Samantala, pormal nang nanumpa sa katungkulan ang mga nabanggit na mga opisyal ng PCL sa harap ni Gov. Mandanas sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas pagkatapos ng flag raising ceremony, Agosto 5.|Joenald Medina Rayos at Marinela Jade Maneja

- Advertisement -
- Advertisement -

More articles

- Advertisement -
- Advertisement -

Latest article