By JOENALD MEDINA RAYOS
BALAYAN, Batangas – ISANG evacuee ang pumanaw matapos atakehin sa puso habang nasa evacuation center sa bayang ito.
Habang isinasagawa ang assessment meeting ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) kaugnay mg Oplan Taal, iniulat ni Lian mayor Isagani Bolompo na nakatanggap siya ng impormasyon ukol sa pagkamatay NGA ng isang evacuee dahil sa cardiac arrest.
Kinilala ang biktimang si Danilo Toledo, 27 taong gulang, at residente ng Brgy. Laguike, Taal, Batangas. Siya ay namatay habang nakabakwit sa Balayan Central School.
Ayon kay Taal mayor Pong Mercado, hanggang nitong Lunes ng hapon, umabot na sa 90% ng mga residente ng bayan ng Taal ang nagsilikas na bunsod ng patuloy na pananalasa sa makapal na abo na ibinubuga ng pumutok na Bulkang Taal.
Nasa humigit-kumulang 5,000 evacuees mula sa mga bayan ng Taal, Lemery, Agoncillo at San Nicolas ang nasa mga evacuation centers ng bayan ng Balayan.
Tiniyak naman ni Mayor JR Fronda na nakahanda ang pamahalaang bayan ng Balayan na umayuda sa mga evacuees at tuguanan ang kanilang mga pangangailangan.
Ang bayan ng Balayan ang kauna-unahang provincial capital ng Lalawigan ng Batangas bago pa ito napalipat sa bayan ng Taal at kalaunan ay mailipat muli sa noon ay bayan at ngayon ay Lungsod ng Batangas.|-BALIKAS News Network