By JOENALD MEDINA RAYOS
BALIK-ESKWELA na sa lahat ng antas, maging pribado man o pampublikong paaralan sa buong nasasakop ng Batangas City simula bukas, Enero 29.
Ito ang nilalaman ng Executive Order No. 1, S. 2020 na nilagdaan ni Batangas City mayor Beverly Rose A. Dimacuha nitong Martes ng umaga, Enero 28.
Ayon sa nasabing kalatas, itinityak ng Department of Education (DepEd) na ligtas na makababalik na sa kanilang mga klase ang mga mag-aaral, bagaman at may mangilan-ngilan pang pasilidad ang ilang paaralan na may mga evacuees pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Ayon pa sa pununglungsod, malinaw na itinatadhana sa Seksyon 16 ng Local Government Code of 1991 na nasa kapangyarihan ng alkalde na magdeklara ng pagbabalik ng klase sa kaniyang nasasakupan kapag naiseguro na magiging ligtas ang mga mag-aaral at mga guro makalipas ang isang kalamidad.
Gayundin naman, binigyang-tagubilin rin ni Dimacuha na ang kailangang tiyakin din ng mga punongguro at iba pang opisyal ng mga paaralan na tiyakin ding masunod ang mga nakatakdang protocol at dagliang pag-evacuate kung sakaling kakailanganin sakaling magbago muli o lumubha ang sitwasyon sa bulkang Taal.| – BALIKAS News Netwok