By JOENALD MEDINA RAYOS
KAPABAYAAN at kawalang-disiplina ng tao sa kaniyang kapaligiran. Ito ang itinuturong dahilan ng pagkamatay ng isang babaeng pygmy sperm whale (Kogia breviceps) na napadpad at idinagsa ng alon sa baybayin ng Barangay Putingbato, bayan ng Calaca, Batangas nitong nakalipas na linggo.
Sa ulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), natagpuan ng mga mangingsda ang naturang balyena na may habang 2.6 metro (8.6 talampakan) at tumitimbang ng may 150-200 kilo noong Abril 10.
Kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng BFAR 4A at kinatawan ng pamahlaang lokal at Bantay-Dagat Brigade ng Calaca upang maisalba ang naturang balyena.
Pahayag ng beterinaryo ng BFAR sa Calabarzon na si Dr. Marco Espiritu, kapansin-pansin ang pagpapagulong-gulong ng balyena sa dagat kung kayaโt dagli nilang binigyan ng bitamina ang balyena sa pag-asang maisasalba ito ngunit binawian rin ito ng buhay, may 10 oras matapos na mapadpad sa baybayin.
Nang isagawa ni Espiritu ang necropsy sa balyena, napansin niya ang tinatayang nasa kalahating kilo ng basura, karamihan dito ay mga pinagbalutan ng pagkain gaya ng mga aluminum foil wrappers, matitigas na plastik mula sa furniture ang natagpuang nakabara sa bituka ng naturang balyena.
Napansin din niya na maraming bulate sa loob ng bituka ng balyena, kaya pinaniniwalaang nagdulot din ng pagka-impeksyon dito ang maruruming basurang nakain nito.
Bukod dito, nakitaan din ang balyena ng mga tama ng kagat ng cookie-cutter sharks (Isistius brasiliensis) o isang uri ng pating. Ayon kay Espiritu, dahilan marahil sa mga umimbak na basura na bumara sa bituka ng balyena, hindi na ito makakain ng maayos, dahilan para manghina at hindi na makayanan ang pag-atake ng mga pating.
Ayon pa kay Espiritu, maaaring nagmula sa West Philippine Sea ang naturang balyena na napadpad lamang sa Batangas.
Matatandang noong nakalipas na buwan, isang lalaking Cuvierโs beaked whale (Ziphius cavirostris) ang dumagsa rin at namatay sa Compostela Valley. Nang isagawa ang necropsy, nadiskubre ang may 40 kilo ng mga basurang plastik sa tiyan nito.
Naunang mammal
Samantala, bago pa man dumagsa sa Batangas ang naturang balyena, isang malaking lumba-lumba (dolphin) na may habang 6.5 talampakan ang dumagsa rin sa baybayin ng Brgy. Marao, bayan ng Padre Burgos, lalawigan ng Quezon noong Abril 9.
Ayon sa paunang ulat na isinumite ni Dr. Espiritu, ilang beses na sinubukang ibalik sa dagat ang nasabing dolphin subalit dahil sa kawalan nito ng buoyancy, bigo ang responding team na maibalik ito sa karagatan. Hindi rin nagtagal, pumanaw din ang naturang dolphin.|BALIKAS News