By JOENALD MEDINA RAYOS
ROSARIO, Batangas – PANIBAGONG dagok sa sektor ng pagbabangko at sa may 4,300 depositor sa lalawigan ng Batangas ang pagsasara ng isa pang rural bank sa lalawigan nitong nakaraang Biyernes a-trese. Ito ang ikalwang rural bank sa Batangas ngayong 2018 at ika-apat sa loob ng 16 buwan.
Sa bisa ng Resolution No. 1122.A na pinagtibay ng Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong nakaraang Huwebes, Hulyo 12, ang pagsasara ng Women’s Rural Bank, Inc. at ipinag-utos na isasailalim na ito sa receivership ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) na kaagad namang umakto kinabukasan.
Ang Women’s Rural Bank ay may punong tanggapan sa Carandang Street, Barangay Poblacion C, Rosario, Batangas, samantalang ang nag-iisang sangay nito ay matatagpuan sa Barangay Bihis, bayan ng Sta. Teresita, Batangas.
Batay sa mga available record ng bangko noong Marso 31 o sa pagtatapos ng unang kwarter ng taong 2018, ang Women’s Rural Bank ay may kabuuang pananagutang deposito na umaabot sa Php 82.1 milyon. Nasa kabuuaang 95.5% ng kabuuang deposito ng bangko o umaabot sa Php 81.7-milyon ang nakaseguro sa PDIC.
Magkagayunman, tiniyak na rin ng PDIC sa mga depositor nito na ang lahat ng valid deposits and claims ay mababayaran ng PDIC hanggang sa maximum deposit insurance na Php 500,000.00. Unang makakakapag-withdraw ng kanilang mga deposito ang may lagak na nagkakahalaga ng Php 100,000.00 pababa at hindi kakailanganing maghain ng claims, kung tiyak na wala silang pagkakautang o anumang pananagutang pinansyal sa nagsarang bangko, at may maayos na rekord ng kanilang tirahan sa tala ng bangko. Sakaling hindi maayos ang kanilang rekord ng tirahan, maaari nilang ipagbigay-alam ito sa bangko hanggang Hulyo 20.
Para naman sa mga negosyo at iba pang may mga lagak sa bangko, maaaring ihain ang claims for deposit insurance sa panahong itatakda ng PDIC.
Mahigit apat na buwan pa lamang ang nakakaraan mula nang isara ng BSP-MB ang isa pang bangko sa Batangas – ang Empire Rural Bank, Inc. – isang single-unit bank sa Lunsod ng Lipa. Naunang isinara ng BSP-MB ang Countryside Cooperative Rural Bank of Batangas, Inc. (Coopbank of Batangas) noong Enero 12, samantalang isinara rin ang World Partners Bank, isang thrift bank, na may sangay sa Lunsod ng Tanauan noong Agosto 11.
Sa kabila ng mga kaganapang ito, umaasa ang mga lokal na magbabangko na mananatili ang kumpiyansa ng publiko sa banking industry sa bansa, partikular sa lalawigan ng Batangas.|#BALIKAS_News