TAMPOK ang iba’t ibang produkto ng bawat isa sa 40 barangay ng City of Calaca na itinanghal sa naggagandahang booth sa pagbubukas ng pagdiriwang ng Ika-15 Calacatchara Festival.
Pinangunahan nina City Mayor Sofronio Nas Ona at City Vice Mayor Pippo Katigbak ang ribbon cutting ceremony ng Barangay Bazzar kung saan ay ipinakilala ang mga pangunahing produkto ng bawat barangay.
Sa kauna-unahang pagkakataon, lahat ng 40 barangay ng Lungsod ng Calaca ay aktibong nakilahok sa pagpapakilala ng kani-kanilang produkto o ani na itininda sa mga booth.
Kapansin-pansin din na ang lahat ng booth ay yari sa mga kawayang kubo na ang mga bubong ay mga magkakasapi at magkakataob na biniak na kawayan na kung tawagin at “kalaka”.
Tatagal ang barangay bazzar hanggang sa kapistahan ng lungsod sa Lunes, Oktubre 24; ngunit maaari umano itong magpatuloy hanggang sa panahon ng Kapaskuhan, ayon na rin kay Mayor Ona.| – Joenald Medina Rayos | Videography: Jayson D. Aguilon