By JOENALD MEDINA RAYOS
KAILANGANG pangunahan ng pamahalaan ang pagreresiklo sa mga basiyong bagon o mga empty containers na patuloy na naiimbak sa maraming daungan sa bansa, kabilang na ang Port of Batangas.
Ito ngayon ang panawagan ng mga konsernadong grupo gaya ng Batangas League for Alternative Development and Services (BLADES) upang maiwasan ang pagkakatambak lamang ng mga nasabing basiyong bagon. Maaari anilang i-convert bilang mga opisina, tindahan, mga bahay o maging silid-aralan ang mga bagon o containers na hindi na maaaring gamitin sa eksportasyon o importasyon ng mga kalakal, sa local shipping industry o maging sa ibayong dagat.
Kamakailan lamang ay ipinahayag ng Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) ang balak nitong pagtataas ng singil sa kanilang serbisyo bunga ng hindi pa rin matatag na presyuhan ng produktong petrolyo at piyesa ng mga trak, maging ang mga sinisingil na renta at ang mga nawawalang opurtunidad na kumita bunsod naman ng pagbabalik ng mga basiyong bagon.
Wala namang ipinalalabas na guide rates alinsunod sa bagong Competition Law na nagbabawal ng pagtatakda ng singil ng mga service providers para makapamili ang publiko at iba pang stakeholders.
“We hope you understand that upon the implementation of Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law [in] January 2018, our members have been absorbing the spiraling increase of fuel and operational expenses such as: truck spare parts, rentals, lost opportunity for delay in delivery and return of empties, and unchecked/unreasonable arbitrary shipping charges,” pahayag nina CTAP president Mario Yap at chairman Ruperto Bayocot sa ipinamahaging kopya ng Notice to Clients na may petsang Nobyembre 6 na aprubado naman ng CTAP Board.
Noon pa mang nakaraang taon, sinabi na ng CTAP na magtataas ng singil sa trucking bunsod nga ng pagpapatupad ng TRAIN Law na nagpataas sa presyo ng krudo ng P2.50 bawat litro ngayong taon.
Sa susunod na taon, nakatakda pang tumaas ang excise tax sa krudo ng hanggang P4.50 kada litro, na magiging P6 kada litro namans a taong 2020, bagaman at sinasabing maaaring magpatuloy ang pansamantalang pagsuspinde ng implementasyon ng pagtataas sa taong 2019 bunsod naman ng mabilis na pagtaas ng inflation rates.
Samantala, nabatid na nagsimula nang magpulong ang mga opisyal ng Department of Transportation, Philippine Ports Authority, at Bureau of Customs upang pag-usapan ang suliranin sa pagbabalik ng mga basiyong bagon.|#BALIKAS_News