26.6 C
Batangas

‘Bastusan’ sa Sangguniang Panlalawigan…?

Must read

- Advertisement -

By JOENALD MEDINA RAYOS

BATANGAS City – “WALA naman sanang bastusan.” “Kayo ang bastos!”

Ito ang unang sagutang pumuno sa Sangguniang Panlalawigan Building kasunod ng biglaang pagtitindig ng sesyon nitong Lunes ng tanghali, Nobyembre 5.

Sumiklab ang sagutan sa pagitan nina Vice Governor Sofronio Nas Ona, Jr. at 3rd District Board Member (BM) Alfredo C. Corona nang tumanggi ang bise-gobernador na kilalanin ang mosyon ng ilang bokal kaugnay ng pagtalakay sa pinagtibay na ordinansang nagbibigay amnestiya sa mga delingkwenteng may-ari ng mga ari-ariang di natitinag sa lalawigan ng Batangas at ang nakatakdang subasta ng mga ito.

Nauna rito, sa malayang oras ng sesyon, sinuspinde ng konseho ang Internal Rules of Procedure upang mapayagan si 4th District BM Jonas Patrick Gozos na talakayin ang liham mula sa Tanggapan ng Pununlalawigan na may petsang Oktubre 15 at may lagda ni provincial administrator Librado Dimaunahan.

Ayon sa naturang liham, naniniwala ang administrasyon ni Gobernador Hermilando I. Mandanas na malaki ang maitutulong ng pinagtibay na Ordinansa sa mga apektadong may-ari ng mga ari-ariang di naibubuwis, ngunit hinihiling nito na alisin sa Ordinansa ang Seksyon 10 nito na pumipigil sa pamahalaang panlalawigan na magsagawa ng subasta sa mga di-naibubuwis na ari-arian hanggang sa matapos ang taong kasalukuyan.

Pahayag pa ni Dimaunahan sa liham, may sadyang nakatakdang subasta ngayong buwan ng Nobyembre at ang proseso nito ay nagsimula na bago pa napagtibay ang Ordinansa. Naniniwala rin aniya ang gobernador na ang pagbibigay amnestiya sa mga di-naibubuwis na ari-arian at ang pagsusubasta sa mga nakatakda nang isubasta ay kapwa malaki ang maitutulong sa pangasiwaang piskal at pananalapi ng pamahalaang panlalawigan.

Matapos basahin ni Gozos ang naturang liham, itinanong ni Corona kung ang naturang liham ba ay maituturing na isang veto message o kung may sadyang ipinadalang veto message ang gobernador sa pinagtibay na ordinansa. Sagot ni Gozos, ang tingin niya sa naturang liham ay isang “request” o kahilingan gaya ng nakasaad dito at hindi isang veto message.

Pahayag pa ni Gozos, bagaman at may liham ang Tanggapan ng Pununlalawigan noong Oktubre 15 ngunit walang pag-apruba o pag-veto rito hanggang noong Lunes, Nobyembre 5, nangangahulugan lamang na maaaring ideklara nang aprubado ito kahit walang lagda ng gobernador sapagkat lumampas na sa takdang panahon para lagdaan o i-veto ito.

Alinsunod sa itinatadhana ng Seksyon 54 (Title II, Chapter 3) ng Local Government Code of 1991, (a) ang isang ordinansang pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ay kailangang aprubahan o i-veto ng gobernador. Sakali namang i-veto niya ito, (b) kailangan ding ipabatid ito sa Sanggunian sa loob ng 15 araw matapos na matanggap ng kaniyang tanggapan ang sipi nito; kung hindi makatanggap ng gayong veto message ang Sanggunian, idedeklara na itong “deemed approved as if he had signed it”.

Nabatid na tinanggap ng Tanggapan ng Pununlalawigan ang opisyal na sipi ng ordinansa noong Oktubre 8, at sapagkat wala namang natanggap na veto message ang Sanggunian hanggang noong Nobyembre 5, kaya ipinalalagay na natapos na ang 15 araw na palugit na isinasaad sa batas noong Oktubre 23.

Dahil dito, idineklara ni Vice Governor Ona na “deemed approved” ang naturang ordinansa at iniutos sa Secretariat na itala ito sa katitikan (minutes) ng sesyon.

Kasunod nito’y idineklara na rin ni Ona ang pagbabalik sa sinuspindeng Internal Rules of Procedure.

Kaagad namang nagtaas ng kamay si Senior BM Rowena Sombrano-Africa upang magbigay ng kaniyang paliwanag ukol sa ordinansa at sa subastang nabanggit.

“What is the pleasure of the Senior Board Member? Is that related to the ordinance? Wala na yan, deemed approved na, [the Internal Rules is not anymore suspended] and the session has already been resumed!”, pahayag ni Ona.

Ipinaliwanag ni Africa na ang mahalaga ang kaniyang ipapaliwanag, ngunit idineklara ni Ona na out of order si Africa. Tinanong naman ni Africa kung ano ang dahilan ng pagdeklara sa kaniya bilang out of order, ngunit hindi na ito pinansin pa ni Ona.

Kaagad nagtaas ng kamay si Corona at hiniling na magdeklara ng 5-minutes recess, ngunit sa halip na pansinin ito ng bise gobernador, tinanong niya ang kapulungan, “what is the pleasure of the body? Any motion for adjournment?” Naghanap siya ng magmomosyon, at makalipas ang ilang sandali na walang nagmomosyon, tinawag niya si 4th District BM Jesus De Veyra para magmosyon; at saka isinunod na tinawag si 1st District BM Carlo Roman Rosales, Jr. para mag-“second the motion”, at mabilis na tinapos ni Ona ang sesyon.

Pagtayo ni Ona paalis sa upuan ng presiding officer, tumayo na rin si Corona at sinabing “wala naman sanang bastusan.”

Habang mabilis na naglalakad palabas ng session hall ay lumingon naman si Ona at sumagot na “Kayo ang bastos” at nagpalitan pa ng ilang maaanghang na salita ang dalawa kaya naman pumagitna si Batangas City Lone District BM Ma. Claudette U. Ambida at ang ilang kawani ng Sanggunaing Panlalawigan hanggang sa tuluyang makalabas ng bulwagan ang bise gobernador.

Pahayag ni BM Africa, “you’re only the presiding officer, we are all elected here!”

Matapos ito ay humingi ng ilang pribadong sandal si Ambida upang makapagpulong ang mga bokal. Nabatid na humingi ng pasensya sa kanila si Corona sa kanyang naging pananalita na aniya’y ipinagtanggol lamang niya ang institusyon ng Sangguniang Panlalawigan.|#BALIKAS_News

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

More articles

BDO Unibank, Inc. (BDO) has partnered with the Department of Trade and Industry (DTI) to strengthen the flow of foreign investments into the Philippines. The partnership will focus on organizing investment seminars, business matching activities, and industry promotion missions designed to...
MANILA, Philippines -- POPE Francis has appointed Kalookan Bishop and president of the Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Pablo David as among the 21 new cardinals of the Roman Catholic Church, the Vatican News reported Sunday, October...
IN a move highly anticipated by her supporters, former Batangas governor Vilma Santos-Recto, put an end to speculations on what position she’s going to run again with her filing of Certificate of Candidacy (COC) in a bid to...
- Advertisement -

Latest article

- Advertisement -