NAKAPASOK na rin sa Lungsod Batangas ang nakahahawang Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) nang makumpirma ang apat na kaso nito sa magkakahiwalay na barangay sa lungsod as of October 19.
Ayon kay Disease Surveillance Officer Aileen Cantos ng City Health Office (CHO), mayroong 76 suspected cases at 117 naman ang for monitoring na kaso ng naturang sakit mula sa iba’t ibang barangay ng syudad.
Wala naman aniyang ni isa man batang may HFMD ang naitalang nakaratay sa alin mang ospital sa lungsod.
Ang Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) ay isang nakakahawang viral infection sanhi ng coxsackievirus at enterovirus na karaniwang sakit ng mga sanggol, daycare children at mga bata na hanggang nasa ikatlong baitang.
Ito ay nakakahawa sa unang linggo ng impeksyon at maaaring makuha sa pamamagitan ng kontak sa sipon, plema, laway, dumi ng tao na may HFMD o sa paghawak sa mga bagay na hinawakan nito.
Kabilang sa mga sintomas nito ay lagnat, sore throat, sugat sa lalamunan, bibig at dila, pananakit ng ulo, rashes sa palad ng kamay, talampakan at diaper area, puwit, braso at binti, kawalan ng ganang kumain, pagiging iritable at panghihina.
Gumagaling aniya ito ng kusa subalit kailangang iwasan ang dehydration upang maiwasan ang komplikasyon.
Binigyang-diin ni Cantos na ilan sa mga dapat gawin upang maiwasan ang HFMD ay ang pagkakaroon ng proper hygiene lalo’t higit ang paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon bago at pagkatapos kumain, at pagkagamit ng banyo.
Iwasan din ang “sharing” pagdating sa inumin, pagkain, kubyertos, tuwalya, at iba pang personal na gamit.
Payo niya na huwag nang papasukin ang bata sa paaralan kung magkaroon ng sintomas at agarang i-isolate upang ma cut-off ang transmission. Panatilihin din aniya ang kalinisan ng kapaligiran.
Kaugnay nito, nakapagsagawa na ng lecture hinggil sa HFMD ang mga nurses ng CHO sa mga daycare centers at public elementary schools sa 18 barangay mula pa noong October 10.
Nakipag-ugnayan din aniya ang CHO sa Dep ED at inirekomendang huwag munang papasukin ang mga mag-aaral kung magkaroon ng kaso ng HFMD sa isang klase.
Hiniling niya ang pakikiisa ng mga magulang sa pangangalaga sa kanilang mga anak upang hindi na kumalat pa ang HFMD sa lungsod.|-BNN