SA katatapos lamang na selebrasyon ng Cooperative Month 2018 na ginabayan ng temang “One Region, One Strong Cooperative Movement”, nabigyan ng natatanging pagkilala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas bilang Local Autonomy Champion sa katatapos na Regional Star Awards na idinaos sa Sta. Rosa, Laguna noong ika-10 ng Nobyembre 2018.
Ang nasabing pagbibigay parangal ay nakamit sa pamama-gitan ng tanggapan ng Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office (PCLEDO) na pinamumunuan ni Gng. Celia L. Atienza.
Ayon kay Gng. Atienza, isa sa dahilan kaya natanggap ng lalawigan ang special recognition ay dahil sa ito ang kauna-unahang naglunsad ng cooperative office sa ilalim ng termino ni Governor Dodo Mandanas noong ito ay unang manungkulan bilang Punong-lalawigan noong taong 1995.
Dagdag pa rito, ang probinsya rin ay may malakas na adhikain sa lokal na pamamahala sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa linya ng kooperatiba na may layuning makapagtaguyod ng pag-unlad, pagsasama-sama ng mga kasanayan at halaga sa kabuhayan ng mga komunidad at pagpapatupad ng mga lokal na programa at proyekto tungo sa tuluy-tuloy na pag-asenso.
Samantala, dahil sa ginagawang pagsisikap upang mas mapalawig pa ang cooperative movement, hindi lamang sa loob ng lalawigan, kundi pati na rin sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang PCLEDO ay napabilang sa listahan ng League of Champions.
Ang PCLEDO rin ang kauna-unahang panlalawigang tanggapan na naitaas sa rango ng Hall of Fame sa Cooperative Development Authority (CDA) Gawad Parangal bilang Best Performing Provincial LGU – Cooperative Office dahil sa pag-uuwi sa naturang titulo ng tatlong magkakasunod na taon, mula 2016 hanggang 2019.|Bryan Louise Mangilin at Mark Jonathan Macaraig