SA layuning lalo pang pagyamanin ang industriya ng turismo sa lalawigan, nakilahok ang Lalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), sa idinaos na 29th Philippine Travel Mart na ginanap noong ika-31 ng Agosto hanggang ika-2 ng Setyembre sa SMX Convention Center, Pasay City.
Ang Philippine Travel Mart (PTM) ang longest-running travel exhibition sa bansa na itinatag ng Philippine Tour Operators Association (PHILTOA) sa pakikipagtulungan sa Department of Tourism (DOT).
Mahigpit na nakatuon ang PTM sa pagsulong ng turismo sa loob at labas ng bansa. Ang taunang kaganapan ay nagpapakita ng mga destinasyon ng Pilipinas at na-update na mga handog ng produkto sa paglilibot para sa mga bisita sa loob at labas ng bansa.
Kaugnay ng temang “New Paradise Found… And the fun continues,” ipinakita ng booth ng Batangas ang buhangin mula sa mga beach o bay clusters na matatagpuan sa iba’t ibang munisipalidad at lungsod sa lalawigan.
Itinampok din sa booth ang sikat na Kapeng Barako ng Batangas pati na rin ang iba’t ibang prutas na ipinagmamalaki at matatagpuan sa lalawigan.
Mula sa 215 na exhibitors noong nakaraang taon, naitalang 250 ang exhibitors na nakilahok nitong 29th PTM na sumakop sa 3,400 square meters na exhibition space sa SMX Convention Center.
Ang 29th Philippine Travel Mart ay nagtataguyod ng tuluy-tuloy at walang hangganan na paglalakbay sa loob ng ASEAN, kaya ang mga destinasyon ng ASEAN at Philippine tour packages ang isa sa mga naging highlights sa event.|Marinela Jade Maneja