By JOENALD MEDINA RAYOS
KAPWA pasok sa most-coveted Seal of Local Good Governance Awards 2019 at kapwa 3-feat awardees na ang mga bayan ng Bauan at Taal!
Ito ang ikatlong pagkakataong nakuha ng mga bayan ng Bauan at Taal ang SGLG Award – tatlong taong sunud-sunod mula 2017-2019 para sa bayan ng Bauan at mga taong 2016, 2018 at 2019 naman sa bayan ng Taal. Noong nakalipas na taong 2018, kapwa sila rin lamang dalawa sa 34 na bayan at lungsod ng Lalawigan ng Batangas ang tumanggap ng katulad na parangal.
Tinaguriang Nobel Prize ng Local Governance sa bansa, iginagawad ang SGLG sa iilan lamang na bayan na may matagumpay at matapat na paglilingkod sa mamamayan.
Ngayong taong 2019, may kabuuang 380 local government units (LGUs) ang tumanggap ng naturang parangal na kinabibilangan ng 17 lalawigan, 57 lungsod at 306 na munisipyo. Sa buong Katimugang Tagalog, 40 LGUs ang tumanggap ng parangal – 33 sa CALABARZON Region (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon), at pito (7) naman sa MIMAROPA Region (Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romplon, Palawan).
Nauna na rito ay sinabi ni DILG secretary Eduardo Año na ang bagong “all-in” na paraan ng pagsukat para sa SGLG ay isang inobasyon na inaasahang magdudulot ng positibong pagbabago sa mga pamahalaang lokal at lalong magtutulak ng layunin ng kagawaran sa pagpapatuloy ng kahusayan sa kanilang pamamahala.
“Isa itong paraan ng paghamon sa mga pamahalaang lokal upang tiyakin na natutupad nila ang kanilang mandato na husayan pa ang paglilingkod sa mga mamamayan at patuloy itong gagawin ng SGLG para sa mga Filipino,” ani Año.
Hindi katulad ng dating “4+1” assessment criteria na ginamit ng mga nakaraang taon kung saan kailangan lamang maipasa ng mga pamahalaang lokal ang apat na core areas at isang essential area, itinaas ang antas nito at simula sa 2018 kailangang maipasa ang pitong aspeto ng pamamahala.
Ang nasabing pitong core areas ay Financial Administration; Disaster Preparedness; Social Protection; Peace and Order; Business Friendliness and Competitiveness; Environmental Protection; at Tourism Culture and the Arts.
Kailangan ding makapagpakita ng positibong resulta ang LGUs sa kanilang mga programang pangreporma kasama ang mahusay na pamumuno at ang sama-samang pagganap ng mga kawani sa kanilang mga tungkulin.
Samantala, sa bahagi naman ng mga lalawigan, kailangang 10% ng mga pamahalaang lokal sa ilalim nito ay makapasa din sa SGLG. Ito marahila ang isang dahilan kung bakit huling tumanggap ng katulad na parangal ang Lalawigan ng Batangas noon pang taong 2016, kasabay ng mga Lungsod ng Batangas at Tanauan. Ito’y sapagkat dalawa lamang LGU sa lalawigan ang nakakuha ng SGLG Award noong 2018 at ngayong 2019.
Wala naman ni isa mang lalawigan sa National capital Region, Cordillera Administrative Region, Mimaropa at mga Rehiyon VII, IX, XII at XIII ang nakapasa sa hinihinging criteria ng parangal.| – BALIKAS News Network