NAGING matagumpay ang tatlong araw na pagsasanay tungkol sa Blood Banking Procedure na isinagawa sa Pontefino Hotel, Batangas City, Setyembre, 20-22.
Naging kalahok sa nasabing training ang mga kinatawan mula sa District at Provincial hospitals ng Lalawigan ng Batangas.
Layunin ng nasabing training, na naisagawa sa pangunguna ng Provincial Health Office, sa pamumuno ni Dr. Rosvilinda Ozaeta, na masiguro ang kalidad at serbisyong ipinagkakaloob ng lahat ng mga blood facilities, gayun din ang pagtiyak na ang dugong isasalin sa bawat pasyente ay ligtas at may kalidad.
Kaugnay nito, binigyang-diin sa pagsasanay ang pagkakaroon ng angkop na kaalaman ng mga Medical Technologists sapagkat anumang pagkakamali ng mga medical personnel sa pagsasagawa ng blood typing at cross matching sa dugong isinasalin sa mga pasyente ay maaaring maging sanhi ng kamatayan.
Tinalakay din sa training ang storage at handling of blood, kung saan maaari din magkaroon ng karampatang epekto kapag hindi wasto ang temperatura o ang tinatawag na cold chain management ng dugong isasalin.
Ang pagbibigay-kaalaman na ito ay isa sa mga ipinapatupad ng lisensyadong mga ospital. Kung hindi matugunan ang kaukulang Department of Health (DoH) requirements, maaaring bumaba ang level ng isang ospital, mula level 1 to infirmary.
Samantala, naisakatuparan ang isinagawang training sa tulong at suporta ni Governor Dodo Mandanas, katuwang ang Philippine Blood Coordinating Council, na binubuo nina Dr. Josephine Gutierrez at Ms. Miner Pelagio, at sa pakikipagtulungan ng training arm ng DoH.|Millicent Ramos