26.1 C
Batangas

‘Blue tagging’ sa may Covid, inilunsad sa Batangas City

Must read

- Advertisement -

By Joenald Medina Rayos

AMINADO si Punumbarangay Minda A. Untiveros ng Barangay Balagtas sa Batangas City na hindi madali at lubhang mitikuloso ang naging hakbang ng barangay sa paglulunsad ng blue-tagging campaign sa mga sambahayan na may aktibong kaso ng corona virus disease 2019 (CoVid-19).

- Advertisement -

Sa eksklusibong panayam ng BALIKAS News, ikinuwento ni Untiveros ang naging proseso kung paano nila sinimulan ang konsepto ng paglalagay ng mga lasong asul sa mga pultahan o bakod at kung paano ito tinanggap ng kaniyang mga kabarangay.

“Lubos po ang aming pasasalamat, Una sa Panginoon Diyos sa paggabay sa aming desisyon, ikalawa kay Board Member Arthur Bart Blanco sa pakikipagtuwang sa proyektong ito, at ikatlo sa ating mga kabarangay na positibong tinanggap ang programa,” pahayag ni Untiveros.

Aniya, bilang ina ng barangay ay hiningi niya ang payo at paggabay ni Blanco bilang isang nakatataas na opisyal ng pamahalaan mula sa kaniya mismong barangay. Dagli naman aniyang nagpahayag ng pagsuporta si Blanco na siyang unang naglaan ng mga ipinamahaging ayuda sa mga biktima ng pandemya. Si Blanco ay dati ring naglingkod bilang punongbarangay ng Balagtas.

Kaalinsabay ng paglalagay ng lasong asul sa gate ng sambahayang may pasyente na positibo sa CoVid-19 ang paghahatid sa kanila ng ayudang bigas at personal health kits.|

Ayon pa kay Untiveros, isa-isa muna niyang tinawagan sa telepono ang mga pasyente at kinumusta ang kanilang mga kalalagayan at inalam kung paano makakatulong sa kanila ang barangay mula sa pinakamaliit na tulong na maaaring maibigay. Kapag nakapalagayang-loob na aniya ang mga ito, saka niya ipinaaalam ang programa na paglalagay ng lasong asul sa pultahan (gate) o sa bakod, o kung walang bakod ang bahay ay sa alin mang tanda (landmark) malapit sa bahay na may nakatirang pasyente na positibo sa CoVid-19.

Positibo naming tinanggap ng mga kabarangay ang programa at ipinaabot din ang kanilang pasasalamat sa ipinakitang pagkalinga sa kanila ng kanilang barangay at ng tanggapan ni Bokal Blanco.

Kasabay aniya ng blue-tagging na ito ay ang paghahatid ng mga ayudang bigas at personal health kits na iniiwan sa harap ng bahay.

No discrimination

“Mahirap mang gawin, pero nasa maayos na pagpapaliwanag iyan para maging successful,” pahayag pa ni Untiveros.

Aniya, hindi sapilitan ang pag-lalagay ng blue tag. Sa halip, kung matapos maipaliwanag sa kanila sa kanilang tawag sa telepono ang gagawing proseso at hindi pumayag ang pasyente, hindi lalagyan ng blue tag ang kaniyang bahay. Kinakailangan ang kaniyang pagpayag.

Ang proseso aniyang ito ay isang kampanya rin upang maiwasan ang diskriminasyon sa isang buong kalye, purok o sitio na isinasailalim sa granular lockdown gaya ng ipinatutupad sa ilalim ng guidelines ng inter-agency task force on emerging infectious disease (IATF-EID).

Bago ito, binuksan ni Bokal Blanco sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang idea ng blue tagging bilang pantapat sa ipinatutupad na granular lockdown ng IATF.

“Mahirap lalo sa isang purok o sitio o kalye man na isailalim sila sa granular lockdown kung isa o dalawa lamang namang bahay ang may pasyente ng CoVid-19 sapagkat iyong mga walang positibo ay nadadamay, nadi-discriminate minsa sa kanilang pagbibiyahe, pagpasok sa trabaho o maging sa pagbili ng basic needs nila. Pero sa blue tagging, natutukoy na tin kung saan may positibo sa CoVid at naitataas natin ang kamalayan at sense of responsibility ng ating mga kabarangay”, paliwanag ni Blanco.

Sa pagtukoy aniya sa mga sambahayang may positibo sa CoVid-19, mas makakaiwas ang mga tao na makihalubilo sa mga pasyente habang ang mga mismong positibo naman ay magkakaroon ng sense of responsibility na sumunod sa pagka-quarantine upang hindi makahawa sa iba.

Tiniyak naman ni Blanco na magiging matagumpay lamang ito kapag sa paglalagay ng blue tag ay sinasabayan ng paghahatid ng ayuda upang walang dahilan para lumabas pa ng kanilang pama-mahay ang mga positibo.

Sa paglulunsad ng blue tagging program nitong Miyerkules, kasama nina Blanco at Untiveros ang dalawang barangay tanod na katulong sa distribusyon ng ayuda.
Dagdag pa ni Untiveros, sa pamamagitan ng blue tagging, mas madaling matukoy o maituro kung saang sambahayan may positibo sa CoVid-19 at madaling maituro kung saan maaring ihatid ang mga ayuda ng sinumang gustong tumulong na hindi na kailangang padaanin pa sa barangay ang nasabing mga tulong.|– BNN

- Advertisement -
- Advertisement -

More articles

- Advertisement -
- Advertisement -

Latest article