By JOENALD MEDINA RAYOS
“LUBUS-Lubos po ang aking pasasalamat, una’y sa Diyos at ikalawa’y sa daang-libong Batangueñong nagtiwala at patuloy na nagtitiwala at sumusuporta sa akin. Hindi ko po akalain na aabutin ko ito.”
Ito ang seryosong mensahe ni Bokal Ma. Claudette U. Ambida-Alday sa panayam ng BALIKAS News matapos makuha ang pinakamataas na antas ng boto para sa isang kasapi ng Sangguniang Panlalawigan.
“Ang akin lamang pong hiniling ay sana’y patuloy pa akong tangkilikin ng aking mga kababayan at mabigyan pa ng isa pang pagkakataong mapaglingkuran ko sila bilang bokal. Pero ang mabigyan po ng pagkakataon na maging Senior Board Member ay isang bonus na para sa akin,” dagdag pa ng opisyal.
Batay sa Provincial Certificate of Canvass na inilabas ng Provincial Board of Canvassers (PBOC), nakakuha si Ambida ng 113,547 boto na katumbas ng napakataas na 49.46% kabuuang boto para sa posisyon ng Kasapi ng Sangguniang Panlalawigan mula sa Ikalimang Distrito ng Lalawigan ng Batangas.
Gaano kahalaga ang maging Senior Board Member?
Kapag ang Bise Gobernador na siyang regular na tagapangulo (presiding officer) ng Sangguniang Panlalawigan ay hindi nakakaganap para pamunuan ang sesyon ng Sanggunian, ang Senior Board Member [na siya ring tumatayong Majority Floor Leader] ang siyang gumaganap na tagapangulo ng sesyon. Nangyayari ito kapag ang Bise Gobernador ay gumaganap na gobernador (acting governor), may sakit, suspendido, o kaya ay on official leave o dili kaya ay on official business.
Kapag nabakante ang posisyon ng bise gobernador bunga ng pagkamatay, pagkatanggal sa pwesto, o magresign, ang Senior Board Member ang otomatikong mailuluklok sa pwesto ng bise gobernador.
Paano malalaman kung sino ang Senior Board Member?
Alinsunod sa itinatadhana ng Seksyon 44 ng Local Government Code, “… ranking in the sanggunian shall be determined on the basis of the proportion of votes obtained by each winning candidate to the total number of registered voters in each district in the immediately preceding local election.”
Sa 12 miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na nagwagi sa katatapos na eleksyon, si Ambida ang nakakuha ng pinaka-mataas na bahagdan ng boto in proportion against sa bilang ng rehistradong botante sa kaniyang distrito.
Rank | Elected Board Member | # of Votes Obtained | %age of Votes vs. # of Reg. Voters |
1 | Ambida, Ma. Claudette | 113,547 | 50.85 % |
2 | Lopez, Lydio | 95,128 | 47.396 % |
3 | Blanco, Arthur | 103,096 | 46.177 % |
4 | Magboo, Arlina | 89,183 | 46.172 % |
5 | Gozos, Jonas Patrick | 116,757 | 40.11 % |
6 | Rosales, Roman Junjun | 146,558 | 38.718 % |
7 | Mendoza, Emmanuel Aries | 73,647 | 36.693 % |
8 | Rivera, Wilson | 67,411 | 34.90 % |
9 | De Veyra, Jesus | 98,294 | 33.77 % |
10 | Corona, Jhoanna | 141,559 | 32.87 % |
11 | Bausas, Glenda | 100,184 | 26.44 % |
12 | Balba, Rodolfo | 111,729 | 25.94 % |
Samantala, kung ang pagbabatayan ay ang bilang ng nakuhang boto in proportion against sa bilang ng rehistradong botante na talagang nakaboto nitong nagdaang eleksyon, si Ambida pa rin ang nangunguna at nakapagtala ng pinakamataas na bahagdan ng boto.
Rank | Elected Board Member | # of Votes Obtained | %age of Votes vs. Total # of Actual Votes |
1 | Ambida, Ma. Claudette | 113,547 | 49.46 % |
2 | Magboo, Arlina | 89,183 | 46.04 % |
3 | Blanco, Arthur | 103,096 | 44.90 % |
4 | Rosales, Roman Junjun | 146,558 | 44.33 % |
5 | Lopez, Lydio | 95,128 | 41.37 % |
6 | Gozos, Jonas Patrick | 116,757 | 39.31 % |
7 | Rivera, Wilson | 67,411 | 34.80 % |
8 | De Veyra, Jesus | 98,294 | 33.09 % |
9 | Mendoza, Emmanuel Aries | 73,647 | 32.03 % |
10 | Corona, Jhoanna | 141,559 | 30.72 % |
11 | Bausas, Glenda | 100,184 | 30.30 % |
12 | Balba, Rodolfo | 111,729 | 24.25 % |
Nasa ikalawang termino ngayon ng pagiging Board Member si Ambida, kasama ang kaniyang katambal sa Ikalimang Distrito na si Board Member Arthur Blanco. Kapwa sila kumandidato sa ilalim ng Nacionalista Party at kasapi ng Team EBD ng Batangas City.|