BATANGAS City — Humigit-kumulang sa 3,000 kababaihan sa lungsod ang lumahok sa Women’s Month celebration na may temang “ Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat ang Bukas sa Bagong Pilipinas sa Batangas City Sports Coliseum ngayong araw, March 7.
Nagsimula ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang banal na misa sa Basilica ng Immaculada Conception na dinaluhan ng women’s group mula sa ibat-ibang barangay.
Pumarada sila patungong Sports Coliseum kung saan isinagawa ang inihandang programa ng City Social Welfare & Development Office (CSWDO) at ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI).
Layunin ng pagtitipon na ipagdiwang ang tagumpay ng mga kababaihan habang kinikilala ang mga hamon na patuloy nilang kinakaharap sa pagkamit ng pagkakapantay-pantay o equality.

Ayon sa mensahe ni CSWD Officer Hiyasmin Candava, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan hindi lamang sa kanilang pamilya kundi sa kaunlaran at kapakanan ng kanilang komunidad.
Binigyang diin ni Mayor Beverley sa kanyang mensahe ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa paghubog sa lipunan gayundin bilang mga ilaw ng tahanan.
Pinayuhan din niya ang mga dumalo na tanggalin iwasan ang inggit upang magtagumpay sa buhay.
Pinuri naman at sinaluduhan ni SP Committee on Women and Children Welfare Chairperson Coun. Ched Atienza ang mga opisyales ng KALIPI sa mga programang ipinatutupad ng mga ito at para sa kapakinabangan ng kanilang mga myembro.
Highlight ng pagdiriwang ang Zumba dance competition kung saan tinanghal na kampeon ang Cluster 4 na kinabibilangan ng barangay Kumintang Ibaba at Ilaya, Santa Rita Karsada at Aplaya, Sta Clara, Wawa, Calicanto, Malitam, Bolbok at Cuta. Sila ay nagkamit ng premyong ng P10,000.00 at certificate.
Nanalo ng ikalawang pwesto ang grupo ng cluster 7 habang 3rd prize winner naman ang mga kinatawan ng cluster 3.
Ginawaran din ng parangal ang mga grupong nagwagi sa KALIPI Inter-cluster Volleyball League.
Wagi ng unang pwesto ang cluster 3, pumangalawa sa kanila ang grupo mula sa cluster 4 at 3rd place naman ang nakuha ng mga kinatawan ng cluster 6.
Nakiisa at nagpaabot din ng pagbati sa mga kababaihan ang mga myembro ng Team EBD.| – PIO Batangas City