NAG-ABOT ng tulong si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa humigit-kumulang 500 barangay health workers (BHWs) sa Bauan, Batangas noong Biyernes bilang bahagi ng kanyang pagkilala sa kanilang halaga ngayong pandemya.
Sa tulong ni Batangas 2nd District Rep. Raneo “Ranie” Abu, namahagi si Cayetano ng mga food pack sa BHWs, barangay nutrition scholars, child development workers, at iba pang barangay frontliners ng Bauan. “Sa amin pong maliit na paraan ni [Rep.] Lani, gusto naming i-honor po ang role ng barangay health workers ngayong pandemic… gusto lang naming mag-thank you sa inyo,” pahayag ni Cayetano para sa mga medical frontliners.
Ayon sa dating House Speaker, mahalaga pa rin na manguna ang pamahalaan sa pagtulong sa lahat ng mga BHWs sa buong bansa. Gayunpaman, nais niya at ng kanyang asawa na si Taguig 2nd District Rep. Maria Laarni Cayetano na makatulong rin. “Napakaimportante po na kapag sinabi nating hero ay nire-recognize natin,” ipinaalala ng Dating House Speaker.
Nitong Agosto, ipinanukala nina Cayetano ang HB 11012 na naglalayong gawing job order, contractual, or government worker ang mga BHWs. Binigyang-diin ni Cayetano na hindi sapat ang kasalukuyang sahod ng mga BHWs dahil sa kakulangan at kawalan ng trabaho ngayong pandemya.
Ibinahagi ni Cayetano ang sinabi sa kaniya ng isang BHW. “‘Ma’am, Sir, dati naman hindi kami umaangal kasi asawa namin either taxi driver o tricycle driver o kaya may tindahan, o kaya kung bata pa, y’ung magulang nila may trabaho,” sabi niya. “Pero ngayon nawalan ng trabaho pare-pareho, tapos ikaw volunteer ka lang tapos na-e-expose ka pa kasi ikaw nagbabahay-bahay,” dagdag niya.
Nangako rin si Cayetano na ipagpatuloy ang kanyang pagtulong sa mga BHW at iba pang mga nangangailangang sektor ngayong pandemya bago simulan ang kaniyang kampanya para sa 2022 elections sa Pebrero.| BNN