NAIS itaguyod ni Senator Alan Peter Cayetano at ng 21 pang senador ang paglikha ng isang centralized system na mamamahala at mangangalaga sa water resources ng bansa upang tiyakin ang malinis at ligtas na pagkukunan ng tubig.
Kasamang nilagdaan ni Cayetano ang Senate Committee Report No. 281 noong August 7, 2024 upang i-endorso at i-rekomenda ang pag-apruba sa Senate Bill No. 2771 na naglalayong magtatag ng Department of Water Resources at ng Water Regulatory Commission.
Kilala rin bilang ‘National Water Resources Management Act,’ ang panukala ay naglalayong likhain ang Department of Water Resources bilang pangunahing policy, planning, coordinating, implementing, monitoring, and administrative entity ng Executive Branch ng pamahalaan.
Ang bagong kagawaran ang magiging responsable sa comprehensive, sustainable, climate-resilient, at integrated development and management ng yamang tubig ng Pilipinas.
Sinabi ni Cayetano na ang paglikha ng Department of Water Resources ay lubos na magpapahusay sa kakayahan ng gobyerno na tugunan ang mga isyu tulad ng kakulangan sa tubig, polusyon, at mahinang uri ng imprastruktura.
Kasama rin sa panukala ang pagtatatag ng Water Regulatory Commission bilang isang independent, quasi-judicial body na may tungkuling mangasiwa at mag-regulate sa lahat ng water service provider, pribado man o pampubliko.
Sa pagbubuo sa mga ito, naniniwala si Cayetano at iba pang mga senador na hindi lamang tutulong ang inisyatiba sa mga kasalukuyang hamon sa tubig kundi maglalatag din ng pundasyon para sa pangangasiwa ng tubig ng bansa.|