PRAYORIDAD ngayon ni Congressman-elect Leandro L. Leviste ang pagsusulong ng kumbersyon ng tatlong bayan sa Unang Distrito para maging component city ng Lalawigan ng Batangas.
Ilang minuto makalipas maiproklama bilang winning candidate sa pagkakongresista ng distrito, inihayag ni Leviste ang na agad niyang
isusulong sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso ang mga panukalang batas para sa kumbersyon ng mga bayan ng Balayan, Lemery at Nasugbu upang maging mga ganap na lungsod upang ma-ging daan ng tuluy-tuloy na progreso sa Distrito.
Batay sa itinatadhana ng Local Government Code (RA 7160), as amended by RA (11683), ang isang bayan ay maaaring i-convert bilang isang lungsod (component city) kung ito ay may: (i) taunang kita na hindi bababa sa P100-milyon sa loob ng dalawang taong magkasunod batay sa 2000 constant prices na sertipikado ng Kagawaran ng Pananalapi; (ii) may saklaw na teritoryo o lupain na hindi bababa sa 100 kilometrong parisukat na sertipikado ng Kawanihan sa Pamamamahala ng mga Lupa (LMB); at (iii) populasyon na hindi bababa sa 150,000 mamamayan na sertipikado ng Pambansang Tanggapan ng Istadistika (NSO).
Ayon pa sa Seksyon 1 ng RA 11683, maaaring hindi masunod ang isa, alin man sa hinihinging (i) saklaw na teritoryo o lupain at (ii) bilang ng populasyon, basta nasusunod ang pangunahing requirement n akita ng munisipyo.
Hanggang sa mga oras na sinusulat ang balitang ito, ang mga bayan ng Balayan, Lemery at Nasugbu ay pawang mga 1st class municipalities sa lalawigan ng Batangas. Ayon sa Republic Act 11964, ang isang munisipyo at dinedeklarang 1st class kapag nakapagtala na ito ng P200-milyong taunang kita.
Sa usapin ng populasyon, batay sa 2020 census, ang Balayan ay may 95,913 mamamayan; samantalang ang Lemery ay may 93,186, at ang Nasugbu naman ay may 136,524 na populasyon.
Sa usapin ng teritoryo, ang tatlong bayang nabanggit ay pawang may lupaing higit pa sa 100 kilometro kwadradong hinihingi ng batas.
Sa kasalukuyan, tanging ang Lungsod ng Calaca pa lamang ang component city ng Lalawigan ng Batangas sa unang Distrito.| – Joenald Medina Rayos