Cityhood ng bayan ng Calaca, 3 hakbang na lamang

0
1514

By JOENALD MEDINA RAYOS

HALOS tatlong yugto na lamang ang nalalabi at magiging ganap ng isang lungsod ng ngayon ay bayan ng Calaca at maging ikalimang component city ng lalawigan ng Batangas.

Ang mga nalalabing yugtong ito sa proseso ng kumbersyon ng bayan ng Calaca sa pagiging isang ganap na lungsod ay kinabibilangan ng: Una, pagsusumite ng pinag-isang pinal bersyon ng panukalang batas na nakapasa sa bicameral committee, o pinagsamang berson ng pinagtibay na panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado; Ikalwa ay ang paglagda ng pangulo at paglalathala sa National Gazette bilang hudyat ang pag-apruba at pagiging batas nito; at Ikatlo, ang pagdaraos ng plebisito bilang pagratipika ng mga mamamayang Calaqueño.

Ang kumbersyon ng bayan ng Calaca tungo sa pagiging isang ganap na syudad ay nag-ugat sa pagpapatibay ng isang Resolusyon / Ordinansa ng Sangguniang Bayan ng Calaca na humihiling kay Congresswoman Eileen Ermita-Buhain ng Unang Distrito na maging sponsor sa paghahain ng panukalang batas, at ang paghingi ng suporta ng pamahalaang panlalawigan.

Matatandaang iniabot ni dating Calaca mayor Boogle Ona kay dating Bise Gobernador at ngayon ay Calaca Mayor Sofronio Nas Ona ang naturang sipi ng resolusyon. Kagyat na inaksyunan ng Sangguniang Panlalawigan ang panukala at sinuportahan ng administrasyon ni Gobernador Hermilando I. Mandanas.

Nagpatuloy ang pag-usap ng proseso hanggang sa bumalik bilang alkalde ng bayan ng Calaca ang nakatatandang Ona.

Nitong nakaraang Oktubre 26, sa gitna ng pangamba sa mga peligrong maaaring ihatid ng bagyong Quinta, naging matagumpay naman ang pagdalo sa virtual Senate Hearing on Local Government, kung saan ay positibong ibinigay ng Senate panel ang pag-apruba sa pagpapatibay para sa panukalang batas upang maging City of Calaca.

Lubos ang pasasalamat ni Mayor Nas Ona Senator Francis ‘Tol’ Tolentino, Chairman of the Committee on Local Government na siya ring nag-sponsor ng bill, gayun din kay Senator Sherwin ‘Win’ Gatchalian na siyang primary sponsor ng bill na ito sa Senado.

“Lubos ding pasasalamat ang nais kong ipaabot kina Senators Nancy Binay, Joel Villanueva, Imee Marcos at Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na nagpahayag din ng buong-pusong suporta at nag co-sponsor rin ng panukalang batas na ito. Higit sa lahat, muli kong pinasasalamatan ang principal sponsor ng bill na ito sa Kongreso na walang iba kundi si Congresswoman Eileen Ermita-Buhain ng 1st Congressional District of Batangas. Pasasalamat din sa ating butihing Governor Hermilando ‘Dodo’ Mandanas ng Province of Batangas na nagpahayag din sa akin mismo ng suporta para mabigyang katuparan ang ating pangarap na maging City of Calaca,” dagdag na pahayag pa ni Mayor Nas.

Inaasahang maisusuite na sa plenaryo sa lalot madaling panahon ang pinal na bersyon ng panukalang batas upang malagdaan ito ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Kung hindi man makaabot sa pagtatapos ng taong ito, walang salang hindi magiging ganap na isang lungsod ang ngayon ay bayan ng Calaca, at magiging ikalimang component city ng lalawigan ng Batangas, at kauna-unahang lungsod sa kanlurang bahagi ng lalawigan.| – BALIKAS News

Advertisement