LIPA City — ISINAGAWA ang malawakang Clean-Up Drive sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Lipa, bilang isa sa mga tampok na aktibidad sa pagdiriwang ng 78th Cityhood Anniversary at 420th Founding Anniversary ng Lipa sa pangunguna ni Mayor Eric Africa.
Ito ay ginanap, Hunyo 20, 2025, mula alas-6 hanggang alas-9 ng umaga na may temang “Nagkakaisa para sa Progresibong Lipa.” Layunin nitong mapanatiling malinis at maayos ang bawat barangay sa lungsod.
Ang aktibidad ay nilahukan ng mga residente, volunteers at iba’t ibang sektor at organisasyon gaya ng 4Ps, youth groups, mga barangay tanod, mga paaralan at opisyales ng bawat barangay.

Sa isang panayam kay Teresita Antonio, opisyal mula sa Barangay Diez, binigyan-diin nya na malaking tulong ito upang mas mapanatiling malinis ang kanilang komunidad.
Gayunpaman, may ilan pa ring hamon na kinakaharap ang ilang barangay sa pagpapatuloy ng ganitong inisyatiba.
“May schedule naman (pagkolekta ng basura) pero minsan hindi nakukuha sa dami na rin.” -SK Tagle.
Dahil dito, nanawagan ang ilang opisyal sa lokal na pamahalaan ng Lipa para sa dagdag na suporta, partikular na sa kagamitan para sa waste management.
“Kung sakaling kami’y… halimbawa tambak pa rin tapos ay ang iba’y hindi pa nakukuha. Ang aming sasakyan, kunwari (sa) Barangay 4 ay puno na, pagdating sa’min wala ng paglalagyan. Siguro…. ang truck ng basura ay dapat dagdagan at para hindi kami lagi natatambakan”
Sa kabila nito, nanatili pa ring positibo ang pananaw ng mga mamamayan na sa pamamagitan pagtutulungan, unti-unting maisusulong ang mas malinis at progresibong Lipa.| – BNN Reportorial Team